NAPANATILI ng Ati-atihan Festival ng Kalibo, Aklan, na idinaraos tuwing Enero taun-taon, ang relihiyosong dedikasyon at makulay na kultura nito.
Ayon kay Ati-Atihan Festival director Albert Menez ng Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Foundation, Inc. (KASAFI), magiging pinakamahusay ang kanilang pagdiriwang ngayong taon. Binigyang diin niya na ang Ati-Atihan, bilang testimonya ng kanilang kultura at pananampalataya sa Señor Sto. Niño de Kalibo, ay naiiba sa ibang mga kapistahan sa bansa.
Ayon naman kay KASAFI information director Boy Ryan Zabal, tiyak na masisiyahan ang mga panauhin nila sa “masiglang sayawan sa kalye, masasarap na pagkaing Aklanon, murang mga bilihin, musika at masiglang paghiyaw ng Hala Bira, Pwera Pasma bilang pagsamba kay Señor Sto. Niño de Kalibo mula Enero 2 hanggang Enero 20.”
Tiniyak ni Menez na marami silang inihandang mga kaganapan na aakit sa mga deboto at libu-libong mga banyagang turista na makikisaya, tulad ng Hala Bira Ati-Atihan Nights (Enero 14-20) at Hydro Kalibo X Electric Fusion 4 (Enero 18-19) na magtatampok ng mga bandang Pinoy, mga tanyag na DJ at iba pa.
Hindi umano malilimutan ng mga panauhin ang kahanga-hangang mga ‘bargains’ sa Ati-Atihan Bazaar, masasarap na pagkain sa ‘Kaean-an sa Plasa’ (Enero 14-20), ‘Mutya it Kalibo Ati-Atihan’ pageant (Enero 11), ‘exhibit’ ng mga klasiko at modernong kotse at motorsiklo sa Traffic Jam and Bikers Rally (Enero 12-13), ‘SangKalibong Tamboe’ at parade ng mga karosa ng Ati-Atihan.
Magiging sentro ng kasiyahan ang mga ‘rock bands’ sa Pastrana Park sa Enero 14 sa gaganaping ‘Radyo Todo Aklan Battle of the Bands’. Susundan ito ng ‘Battle of Mini Sounds’ ng Brigada News FM Kalibo sa Enero 15.
Kasama sa mga pangkulturang pagtatanghal ang ‘Sinaot sa Calle’ (Enero 15-16), Ati-Atihan GMA TV Kapuso Night (Enero 6), Sadsad Street Party (Enero 16-17), Aklan Higante Contest, Aklan Balikbayan at PAL Mabuhay Night (Enero 17), at Sadsad Ati-Atihan ‘street dancing contest and grand parade’ sa Enero 19 na magtatampok ng makukulay na tribong Ati-Atihan.
Kabilang naman sa mga pangrelihiyong kaganapan ang ‘Opening Liturgical Rites’ (Enero 2); tradisyunal na ‘pahilot’ (Enero 2-20); ‘Pagbisita at Paghatid kay Señor Sto. Niño de Kalibo’ (Enero 3-10); ‘Haead Pasasalamat’ (Enero 14-17), isang ‘penitential procession’ sa madaling araw; pagbasbas sa mga tribu, grupo, banda, at imahe ng Sto. Niño at Ro Hornada (Enero 19), at iba pa.
Karapat-dapat sa papuri ang KASAFI, ang pamahalaang lokal ng Kalibo, Mayor William Lachica, at Pamahalaang Panlalawigan ng Aklan sa pamumno ni Gov. Florencio Miraflores.
Isang mapayapa at masaganang Pilipinas 2019 sa ating lahat!
-Johnny Dayang