Three-pointer ni Harden, nagpaluhod sa GS Warriors
OAKLAND, Calif. (AP) — Naisalpak ni James Harden ang three-pointer sa kabilang ng depensa ng Golden State sa huling 2.7 segundo ng overtime para mailusot ang Houston Rockets sa gahiblang 135-134 panalo nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).
Tumapos si Harden sa ikalawang triple-double ngayong linggo, tampok ang 40 puntos – ikalimang sunod ngayong season – para sa ikaanim na sunod na panlo ng Rockets at patatagin ang katayuan sa Western Conference.
Sumablay ang pagtatangka ni Kevin Durant sa buzzer.
Si Harden ay may 44 points, 15 assists at 10 rebounds.
Umabante ang Warriors sa 134-132 mula sa tira ni Stephen Curry may 23.1 segundo ang nalalabi. Ngunit, nahigitan ni Harden ang kabayanihan ng two-time MVP sa pahirapang three-pointer.
Hataw si Curry sa naiskor na 35 puntos.
NUGGETS 117, KINGS 113
Sa Sacramento, Calif., ginapi ng Denver Nuggets, sa pangunguna ni Jamal Murray na kumana ng 36 puntos, tampok ang 17 sa final period, ang Kings.
Hataw si Nikola Jokic na may 26 puntos at 13 rebounds para mapanatili ng Nuggets ang pagiging No.1 sa Western Conference matapos ang ikawalong panalo sa huling 10 laro. Nag-ambag si Mason Plumlee ng 12 puntos at 10 rebounds.
Nanguna si Buddy Hield sa Kings sa naitumpok na 29 puntos.
Naisalpak ni Murray ang three-pointer sa pagsisimula ng final period, at hindi na nakaranas ng pagbabanta sa karibal ang Nuggets.
SPURS 125, RAPTORS 107
Sa San Antonio, naitala ni DeMar DeRozan ang unang career triple-double sa naiskor na 21 puntos, 14 rebounds at 11 assists, para sandigan ang San Antonio Spurs sa malaling panalo laban sa Raptors, pinangungunahan ng dating Spurs star Kawhi Leonard.
Kumubra si Leonard ng 21 puntos mula sa 8-for-13 shooting, ngunit sinalubong siya ng pangiinis ng fans na nagsisigawan ng ‘Traitor! Traitor! at Quitter!.
Hiniling ni Leonard sa San Antonio na mai-trade siya na naganap naman kapalit nina DeRozan at Jakob Poeltl mula sa Toronto.
Nag-ambag si LaMarcus Aldridge ng 23 puntos para sa San Antonio, habang kumana si Bryn Forbes ng 20 puntos at may ambag sina Derrick White at Rudy Gay ng 19 at 13 puntos.
THUNDER 107, LAKERS 100
Sa Los Angeles, hataw si Paul George sa naiskor na 37 puntos para sandigan ang Oklahoma City Thunder laban sa Lakers.
Nagsalansan si Russell Westbrook ng 14 puntos, 16 rebounds at 10 assists mula sa 3-for-20 shooting.
Nanguna si Kentavious Caldwell-Pope sa Lakers sa naiskor na 25 puntos. Nakamit ng Lakers ang ikatlong kabiguan sa apat na laro na wala si star player Lebron James na nagtamo ng injury sa groin.
Binakbakan ng boos ng crowd si George, napabalitang tumanggi sa alok ng Lakers para makasama si James sa kampanyang muling maging kampeon at pinili ang manatili sa Thunder.
SIXERS 132, SUNS 127
Sa Phoenix, ratsada si Joel Embiid, naglaro na may iniindang pananakit sa kaliwang tuhod, sa nakubrang 42 puntos at 18 rebounds, para maiangat ang Philadelphia 76ers laban sa Suns.
Humakot si Ben Simmons ng 29 puntos at kumana si J.J. Redick ng 27 puntos sa panalo ng 76ers kahit wala ang nainjured na sina Jimmy Butler at Wilson Chandler.
Nanguna si Devin Booker sa Suns na may 37 puntos.
CELTS 115, WOLVES 102
Sa Boston, bumalikwas mula sa masamang simula si Gordon Hayward para pangunahan ang Celtics sa dominanteng panalo kontra Minnesotta Timberwolves.
Hataw si Hayward sa natipang 35 puntos, klabilang ang apat na sunod na basket sa isang scoring run ng Boston.
“He was disappointed in how he shot the ball, obviously, in San Antonio and got back in the gym this morning. And you could tell he was going to play pretty well,” pahayag ni Celtics coach Brad Stevens.
“I mean, 14 for 18 is an unbelievable night, and you’re not always going to shoot it like that. But you could tell he was pretty locked in,” aniya.
Nag-ambag si Terry Rozier ng 16 puntos
“Gordon’s a good player, and we gave him basically whatever he wanted,” pahayag ni Timberwolves coach Tom Thibodeau.
Nanguna sa Wolves sina Andrew Wiggins at Karl-Anthony Towns na may 31 at 28 puntos, ayon sa pagkakasunod.