“HINDI aalisin ng Pangulo ang kanyang nakagigitla at nakalilibang na pananalita na kanyang political signature, na nagpamahal sa kanya pulitikal at sosyal na paniniwala,” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo. Ito ang kanyang reaksyon sa mga bumatikos sa Pangulo sa huli nitong ikinuwento hinggil sa pangmomolestiya ng Pangulo sa kanilang katulong nang siya ay nasa high school sa Ateneo de Davao. Ayon sa Pangulo, ikinumpisal niya sa pari na pumasok siya sa kuwarto ng kanilang katulong at itinaas niya ang kumot upang hipuin ang kanyang ari. Pero, agad daw siyang lumabas ng kuwarto nang magising ito. Nagtungo siya sa banyo para gawin daw iyong “the usual”. Bumalik siya sa silid ng kanilang maid at hinipong muli, at aniya ay ipinasok ko ang aking daliri sa kanyang ari. Bilang parusa, sinabi raw ng pari sa kanya na magdasal ng limang Our Father at limang Hail Mary, kung hindi, siya ay pupunta sa impiyerno.
Sa totoo lang, mula nang manungkulan si Pangulong Duterte, wala tayong narinig sa kanya kahit anumang polisiya na makahahango sa mamamayan sa kahirapan. Sa tuwing bubuksan niya ang kanyang bibig sa publiko, war on drugs ang lumalabas, pananakot, pangungutya sa kanyang mga kritiko at kapag ginanahan, kabastusan naman, tulad ng huling ikinuwento niya na kanyang ikinumpisal sa pari.
Ang mga kursunada niyang takuting papatayin ay ang mga New People’s Army (NPA) at sangkot sa ilegal na droga na tinototoo naman. Kaya, upang lubusang matakot ang nais niyang takutin ay inihahanay niya ang mga ito sa NPA drug personalities kahit walang batayan. Iyong mga militar at pulis na ginagamit niya ay gumagamit din ng iba para sa layuning ito. Isang Mario Ludades, na nagpakilalang dating mataas na opisyal at pundador ng Communist Party of the Philippines (CPP), ay nag-akusa sa National Union of Jounalist of the Philippines, Students Christian Movement of the Philippines at College Editors Guild of the Philippines na “legal fronts” ng CPP. Ginawa ang akusasyong ni Ludades, na ngayon ay spokesperson ng No to Communist Terrorist Group Coalition, kasunod ng utos ng Pangulo sa mga sundalo na puksain ang CPP-NPA. “Shoot them at sight”, utos niya.
Sa kabilang dako, hindi natin narinig sa Pangulo ang paraan kung paano mahahango ang mamamayan sa kahirapan. Nang may ginawang paraan ang mga ganid para maipit ang supply ng bigas, ang remedyong pinairal ng Pangulo ay importasyon. Tulungan ang mga banyagang magsasaka na ang kanilang inaani ang binibili natin. Sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang ginawa lang ng gobyerno ay kontrolin ito at pasunurin ang mga negosyante at nagbebenta sa itinakda nitong SRP o standard retail price. Inutil na pamamaraan ito. Kinakahig mo lang ang ibabaw ng problema. Nagtataas na nga ang halaga ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, iginigiit pa rin ng adminstrasyon ang pagpapairal ng mga indirect taxes, tulad ng excise tax, na pumapatong at nagiging bahagi pa ng presyo ng mga ito.
Sa kabila ng lahat, tumaas pa sa 70 porsyento ang approval rating ng Pangulo nitong nakaraang Disyembre. Kung pagmamahal ito ng masa sa kanya dahil sa kanyang political signature na pananalita, itong approval rating na ito ay walang pinag-iba sa kasikatan ng “Fantastica”. Sa kanyang mga nakalaban na mga pelikula sa takilya, nanguna ito at tumabo ng milyun-milyong piso, pero ang humakot ng halos lahat ng parangal lalo na sa katinuan, leksyon at itinuturong magandang halimbawa ay ang “Rainbow’s Sunset”.
-Ric Valmonte