Hindi lang si Geje “Gravity” Eustaquio ang nag-iisang Pinoy na lalaban sa ONE: HERO’S ASCENT dahil sasamahan siya ni Danny “The King” Kingad sa pagrepresenta sa ating bansa.
Nakaplanong makalaban ni Kingad ang DEEP Flyweight Champion na si Tatsumitsu “The Sweeper” Wada sa isang three-round flyweight showdown sa unang event ng ONE Championship dito sa Manila, Philippines ngayong taon na gaganapin sa Mall of Asia Arena sa Enero 25
Matapos mabigong makuha ni Kingad ang flyweight crown nitong Nobyembre 2017, ang 23 anyos na tiga Baguio City ay muling nagbabalik sa pamamagitan ng pagkapanalo ng tatlong sunod sunod na laban nitong nakaraang taon.
Inumpisahan ni Kingad ang kanyang 2018 sa isang unanimous decision victory laban kay Sotir Kichukov ng Bulgaria sa ONE: VISIONS OF VICTORY noong Marso.
Sinundan niya rin ito ng isa pang unanimous decision laban kay Ma Hao Bin ng China sa ONE: PINNACLE OF POWER noong Hunyo.
Kasunod ng panalo niya laban kay Ma, tinapos niya ang kanyang 2018 sa pagtalo kay Yuya "Little Piranha" Wakamatsu sa isang unanimous decision sa ONE: CONQUEST OF HEROES noong Setyembre.
Mas marami pang laban ang iaanunsiyo sa mga susunod na araw. Pangungunahan ni Eustaquio ang ONE: HERO’S ASCENT na dinedepensahan ang kanyang ONE Flyweight World Title laban kay Adriano “Mikinho” Moraes sa isang rubber match.