Nakatakdang bisitahin ni Pangulong Duterte ang Camarines Sur ngayong Biyernes matapos salantain ng bagyong ‘Usman’ ang nasabing lalawigan, kamakailan.

Pangungunahan ng Pangulo ang pamamahagi ng relief assistance sa libu-libong pamilyang apektado ng kalamidad.

Inamin ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nalungkot si Duterte dahil na rin sa dami ng nasawi at lawak ng idinulot na pinsala ng bagyo.

Layunin din ng pagtungo ng Presidente sa lalawigan na matutukan nang personal ang mga biktima ng kalamidad.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

“We’re scheduled to visit tomorrow sa Bicol area, sa Camarines Sur. We will check on the stricken areas para malaman natin kung ano pa kailangan gawin,” sabi ni Panelo nang magpatawag ng pulong balitaan sa Malacañang, kahapon.

Bukod sa Bicol Region, apektado rin ng malawakang pagbaha na dulot ng ulan, ang Eastern Visayas, Mimaropa at Calabarzon regions.

Gayunman, sinabi ni Panelo na kuntento na si Duterte sa naging paghahanda ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa mga tinukoy na lugar na hinagupit ng bagyo.

“Natural lamang na malungkot ang Presidente sa mga panahon ng kalamidad pero ginawa naman natin lahat para maging handa. But there are things you cannot control. May mga dumadating na panahon na talagang magkakaroon ng trahedya,” sabi pa nito.

Lumobo naman sa 122 ang nasawi habang 28 ang naiulat na nawawala at 60 ang nasugatan sa kalamidad.

Sa huling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang nasabing bilang ay naitala sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas at Quezon), Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan), Region 5 (Bicol), at Region 8 (Eastern Visayas).

-Genalyn D. Kabiling, Beth Camia, at Francis T. Wakefield