ANO ang mararamdaman mo kung umaasa ka na ang binayaran mong discounted na promo booking sa isang 5-star hotel, na nakuha mo sa isang internet site, ay biglang tanggihan ng management ng naturang hotel sa mismong araw na dapat itong ukupahin ng pamilya mo?

At waring may pananakot pa na kung hindi mababayaran ng cash ang sinasabi nilang presyo, na doble ng nai-debit sa credit card mo ng booking agent sa internet, ay ‘di ka nila ire-register kaya mapipilitan ka na lang na lumipat ng ibang hotel, na mahirap nang gawin sa araw na iyon lalo pa nga’t umuulan at imposible nang makakuha ng booking sa ibang hotel dahil “ora de peligro” na!

Nakagawian na kasi ng ating mga kababayan, lalo na ‘yung may mga kamag-anak na nagbalikbayan upang dito mag-holiday, na salubungin ang pagpasok ng Bagong Taon sa pamamagitan ng advance booking sa pamamagitan ng mga authorized booking agent sa internet sa mga malalaking hotel na malapit sa Manila Bay, upang mapanood ang magandang “fireworks display” sa gitna ng dagat, kasama ang buong pamilya.

Ito ang nakarating na reklamo sa ImbestigaDAVE -- may ilang pamilya na magkakasunod sa pila sa booking counter ng isang hotel sa Ermita, Maynila, na ‘di malaman ang gagawin nito lamang bisperas ng Bagong Taon 2019 nang maharap sa ganitong situwasyon.

Maayos naman umano ang pakikiharap sa kanila sa booking counter, nagkaroon lang ng problema nang pipirmahan na for approval ng duty manager sa oras na iyon ang kanilang booking form. Tumanggi raw itong i-approve ang binayaran na nilang booking sa isang travel booking site sa internet. Ang dahilan ng manager, hindi na raw nila authorized na maki-pag deal ang naturang travel booking site noon pang Oktubre 2018.

Ang sabi pa nito, puwede silang mai-book pero hindi sa discounted price ng booking site, bagkus sobra pa sa doble ang sinisingil ng hotel na on-going rate umano nila. Ang nakaririndi pa rito, buo ang dapat bayaran ng naunsiyaming pamilya, dahil iri-refund naman daw ang nai-debit ng booking agent.

Walang pagpipilian ang animo na-hostage na pamilya. Malakas ang ulan sa labas, hindi puwedeng isugal ang kalagayan ng mga bata, kasama pa ang isang baby, para lumipat sa ibang hotel na hindi rin sigurado dahil karamihan sa mga ito ay “fully booked” na.

Kaya ang resulta – napilitang “kumapit sa patalim” ang pamilya. ‘Yun lang, nabawasan ‘yung inaasahang nilang panggastos para magkapag-enjoy dahil sobra pa sa doble ang bayad nila sa booking para lamang sa isang araw.

Ang pampalubag-loob na nakuha ng pamilya – matapos na tawagan at makausap ng ImbestigaDAVE ang nabanggit na manager -- ay 10% na discount (na kung susumahin ay wala pa rin halos sa butal ng naidagdag sa promo price), at ang tawag ng travel booking site na sinisigurong ibabalik sa pamilya ‘yung nai-debit dito, “as soon as possible” – Weh, ‘di nga kaya?

Mga tanong sa naturang hotel sa isyung ito: Bakit walang warning sa kanilang website hinggil sa problema nila sa booking site? Paano nila nalaman ang detalye ng advance booking kung wala na silang ugnayan dito? Bakit alam ng manager ng hotel na iri-refund naman ng booking site ang halagang na-debit nito mula sa booker?

Hindi ko alam kung ilang ulit nangyari ang ganitong situwasyon sa mga booking counter ng malalaking hotel sa bansa, lalo na ‘yung mga nasa Metro Manila. Sana naman ay “isolated case” lamang ito at hindi talagang sinasadya upang makapanlamang sa kapwa.

Marubdob ang aking paniniwala na ang turismo ay isa sa magtataas sa imahe ng Pilipinas, at pangunahin din bilang industriya na magpapasok ng malaking pagkakakitaan para sa ating mga kababayan – ‘yan ay kung walang ganitong uri ng “business transaction” na may bahid ng pagsasamantala sa kahinaan ng iba.

Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.