NANINIWALA si Health Sec. Francisco Duque III na bumaba nang malaki ang bilang ng mga naputukan, nasugatan, nasaktan, naputulan ng daliri at kamay (68%) ngayon dahil sa kautusan ni President Rodrigo Duterte (PRRD) na ipagbawal ang pagpapaputok sa Bagong Taon. Natakot ang mga tao sa banta ng Pangulo na sila’y huhulihin kapag gumamit ng firecrackers at naghagis sa kung saan-saan maliban sa designated firecrackers zone.
Batay sa datos ng Department of Health (DoH), may 139 na indibidwal ang nagtamo ng mga sugat at pinsala na dinala mula sa mga ospital (sentinel hospitals) sa buong bansa sapul noong Disyembre 21, 2018 o 68 porsiyentong mababa kumpara sa 428 kaso noong nakaraang taon. Ayon kay Duque, natutuwa sila sa 68% pagbaba ng bilang ng mga nasaktan at nasugtan ng paputok.
Dalawang dahilan ang ibinigay ni Duque sa pagbaba ng bilang ng mga biktima ng firecrackers. Una, dahil sa Executive Order No. 28 na nilagdaan ni Mano Digong noong Disyembre 2017 na nagbabawal magpaputok sa kung saan-saang lugar, at pangalawa dahil sa patuloy na pag-ulan.
Hinimok ni PDu30 ang mga Pilipino na samahan siya sa paglaban sa sakit ng lipunan, katulad ng illegal drugs at kurapsiyon. Nagpahayag siya ng pagtitiwala na sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagka-makabayan ng mga Pinoy, makakaya ng bansa na maalpasan ang mga hamon na humahadlang sa pagtahak tungo sa “a more prosperous and progressive future.”
Saad ni PRRD sa wikang English: “We welcome the new year full of hope and patriotism. As we herald this start of another year, let us reflect on our storied past and learn from its lessons so that we can face the future with more confidence.”
Dinunggol ako ng kaibigang palabiro-sarkastiko-pilosopo na muntik nang ikaligwak ng iniinom kong kape: “Dapat ay kasama nating mag-reflect ang Pangulo sa pagsusuri at paglingon sa nakalipas at matuto sa mga leksiyon at pagkakamali.” Sabad ng senior-jogger: “Sana ay lubayan na ni Presidente ang pagbanat sa Simbahang Katoliko, sa mga obispo at pari”. Tumango ako at sinabihan ang dalawang kaibigan na sana’y magkasundo na sina PRRD at ang Simbahan.
Samantala, sinabihan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang mga mananampalataya na huwag pakinggan ang mga nagsasabi na huwag nang pumunta sa simbahan at dumalo sa misa. Sa kanyang open letter sa inaanak na si Seth na siya ring New Year’s Eve message sa mga kabataan na may titulong “Be Careful Against Many Anti- Christs”, sinabi niyang mahirap ngayon ang magpalaki ng mga anak dahil sila ay lantad sa “so much vulgarity and violence.”
Nangangamba si Villegas na baka ang makuha nila ay maling value na sisira sa kanilang hinaharap bilang mabuting Pilipino at mabuting anak ng Diyos. “Ang payo ko sa inyo ay laging magdasal. Huwag ninyo siyang pakinggan sa pagsasabing useless ang pagpunta sa simbahan at dumalo sa misa.”
Dagdag ng Arsobispo: “Sino mang nagtuturo ng ganito ay isang Anti-Kristo, at marami sila ngayon, kabilang ang nagtuturing nito bilang isang biro.” Sabi pa ni Villegas na ang ganitong mga tao ay hindi para kay Kristo, sila ay kalaban ni Kristo.
Batay sa pinakahuling ulat, may 75 katao ang namatay dahil sa bagyong Usman na nanalasa sa Bicol at Visayas at nagdulot ng pagbaha at landslides. Naniniwala ang militar sa Mindanao na ang may kagagawan sa pagsabog sa isang shopping mall sa Cotabato City ay ang Maute Group at Abu Sayyaf Group, na may kaugnayan sa teroristang grupo na Daulah Islamiyah. Dalawang tao ang namatay at 30 ang nasugatan.
‘Di ba umiiral pa ang martial law sa buong Mindanao. Eh bakit patuloy ang mga karahasan, pambobomba at pagpatay doon?
-Bert de Guzman