Matapos ang putukan para sa pagsalubong sa Bagong Taon, nakapagtala ang Environmental Management Bureau-Department of Environment and Natural Resources (EMB-DENR) ng hazardous particles sa hangin sa mga lungsod ng Pasay at Parañaque, kahapon ng madaling araw.
Pumalo sa hazardous level ang kalidad ng hangin sa quality index sa nabanggit na mga lungsod, pasado 4:00 ng madaling araw.
Naitala naman ang “unhealthy” na hangin sa bahagi ng Pasig at Muntinlupa City.
Ayon sa EMB, sa oras na umabot sa hazardous level ang kalidad ng hangin sa isang lugar ay pinapayuhan ang publiko na iwasan ang paglabas sa bahay dahil hindi lamang ang mga may sakit sa baga at puso ang maaapektuhan kundi maging ang mga walang karamadaman.
Ipinahayag ng EMB na naging mas malala ngayong taon ang epekto sa hangin ng mga paputok na ginamit sa pagsalubong sa Bagong Taon.Sa datos ng EMB, nasa 22 hanggang 69 na porsiyento ang itinaas ng particulate matter sa tatlong lugar sa Metro Manila.
Ang particulate matter ang maliliit na dumi sa hangin na direktang napupunta sa loob ng katawan.
Dahil dito, isinusulong ng EMB ang panukalang “total firecracker ban” para sa ligtas at payapang pagsalubong sa Bagong Taon.
-Bella Gamotea