PAUWI na ng Pilipinas si Kris Aquino mula sa mahigit isang linggong bakasyon sa Tokyo, Japan nitong nakaraang holiday seasons at sa Sabado, back-to-back ang in-organize niyang block screening para sa One Great Love at Rainbow’s Sunset.
“For the love of my panganay, Kim (Chiu) & my naudlot na sister-in-law, Harlene (Bautista),” sabi ni Kris nang maka-chat namin kahapon.
Ang tinutukoy niya ay si Kim Chiu, leading lady nina Dennis Trillo at JC de Vera sa One Great Love at si Harlene Bautista na sister ni Quezon City Mayor Herbert Bautista.
Itinuturing ni Kris na panganay na anak si Kim na matatandaang nagpa-block screening din ng I Love You, Hater na last movie ni Kris sa Star Cinema kasama si Angel Locsin.
Hindi naman naputol ang close friendship nina Kris at Harlene kahit nagkalabuan na ang una at si Bistek.
Pero asahan nang manunumbalik na naman ang sigla ng KrisTek followers dahil dito. Marami ang shippers ng KrisTek, nakaka-chat ko sila, kaya alam kong millennials ang karamihan sa kanila. Naisulat ko na minsan na “daddy” at “mommy” ang tawag nila kina Herbert at Kris.
Ngayon ko pa lang ibubunyag na ini-entertain ng magkapatid na Harlene at Herbert ang grupo ng KrisTek fans. May nalaman pa nga kaming gathering o party nila na dinaluhan ng magkapatid.
Sa huling usapan namin ni Kris tungkol kay Herbert, hindi na sila uli nagkokontakan. Tinapos na raw nila ang lahat. Pero sa isa sa mga huling post ng Queen of All Media, ikinuwento niyang nagparamdam si Mayor sa mga anak niya nitong nakaraang Pasko.
Alam naman nating lahat, madaling lumambot ang loob ni Kris sa mga taong nagbibigay ng importansiya sa mga anak niya.
So, KrisTek, heto na naman sila, ang puso ninyo, huwag masyadong patibukin!
-DINDO M. BALARES