Lumobo sa 236 ang bilang ng mga biktima ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon, base sa tala ng Department of Health (DoH).
Sa monitoring ng DoH sa fireworks-related incidents (FWRI), 98 pang kaso ang naitala sa unang araw ng Bagong Taon.
Ang mga bagong kaso ay naitala sa National Capital Region (NCR), na umabot sa 35; 22 sa Region 1; 13 sa Region 6; 6 sa Region 7; 5 sa Region 4-A; 4 sa Region 3; at tig-3 sa ARMM at Region 5.
Tig-dalawang kaso ang naitala sa Regions 4-B at 12, habang tig-isang kaso sa Regions 2, 9, at 11.
Ayon sa DoH, dahil sa 98 bagong kaso, umabot na sa 236 ang FWRI cases na naitala nila mula Disyembre 21, 2018 hanggang 5:59 ng umaga nitong Enero 2.
Sa kabila nito, ipinagmalaki ng DoH na mas mababa pa rin ito ng 52% kumpara sa mga kasong naitala sa kahalintulad na reporting period noong nakaraang taon at 71% na mas mababa sa 5-year average period.
Pinakamaraming nabiktima ang kwitis na umabot sa 55 kaso, sumunod ang lusis (20), piccolo (19), boga (18), at 5-star (14).
Kaugnay nito, tiniyak ng DoH na pawang napagkalooban ng kaukulang lunas ang mga biktima at nasa maayos nang kalagayan.
-Mary Ann Santiago