Pinangalanan ng Philippine National Police (PNP) si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo bilang utak sa likod ng pamamaslang kay AKO Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe at sa police escort nito, sinabing kumontrata ang alkalde ng mga dating rebelde, sundalo, at militiamen at nagyabad ng P5 milyon para ipapatay ang kongresista.
Sinabi ngayon ni PNP Chief Director Gen. Oscar Albayalde na naisampa na ang mga kasong double murder at anim na bilang ng frustrated murder, kaugnay ng pagkakasugat ng anim na sibilyan, laban kay Mayor Baldo at sa anim na iba pa, sa Prosecutors Office ng Albay.
“I am pleased to announce a major breakthrough in the investigation of the murder of Ako Bicol Party-list Representative Rodel Batocabe and his security escort, SPO2 Orlando Diaz in Barangay Burgos, Daraga, Albay on December 22, 2018,” sinabi ni Albayalde sa press briefing sa Camp Crame kaninang umaga.
“From all indications as revealed by the suspects and witnesses, and physical evidence gathered by the police, the group that killed Batocabe and Diaz is a private armed group employed by the mayor that is involved in contract killing as a gun-for-hire syndicate,” ani Albayalde.
Bukod kay Baldo, kinasuhan din sina Henry Yuson, alyas “Romel” at “Eno”; Rolando Arimado, alyas “RR”; Emmanuel Rosello, alyas “Boboy”; Jaywin Babor, alyas “Jie”; Christopher Cabrera Naval, alyas “Tuping”; at Danilo Muella, alyas “Manoy Dan”.
Sina Yuson at Arimado ay kapwa dating miyembro ng New People’s Army (NPA), habang sina Babor, Naval, at Muello ay mga dating sundalo na nakabase sa Bicol. Si Rosello naman ay dating militiaman.
“They are all employed as confidential staff of the Office of the Municipal Mayor of Daraga, Albay with a monthly income of P7,000,” sabi ni Albayalde.
Sa pitong suspek, sina Rosello and Naval lang ang nasa kustodiya ng pulisya makaraang mapilitang sumuko matapos siyang kumprontahin ng mga pulis kaugnay ng pamamaslang kay Batocabe.
Ang lima pa, ayon kay Albayalde, ay tutugisin ng pulisya kapag nailabas na ang arrest warrant laban sa mga ito, kabilang si Mayor Baldo.
Matatandaang pinagbabaril si Batocabe, kasama si Diaz, matapos magsagawa ng gift-giving sa matatanda at may kapansanan sa Daraga nitong Disyembre 22.
Nakakalap ng kabuuang P50 milyon pabuya para sa anumang impormasyon sa ikadarakip ng suspek sa pagpatay, kabilang ang P20 milyon mula mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Una nang sinabi ng pulisya na pulitika ang motibo sa pagpatay, dahil kandidato si Batocabe para alkalde ng Daraga.
MAY NAGKUMPISAL
Sinabi ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Supt. Amador Corpus na nakakuha sila ng magandang lead sa pagpatay kay Batocabe makaraan nilang ma-locate si Emmanuel Judavar, na dating nagtatrabaho para sa alkalde.
“He is one our persons of interest on the case. When our intelligence operatives summoned him, he voluntarily gave his confession,” ani Corpus.
Sinabi ni Corpus na si Judavar ay dating sundalo at sangkot sa unang pagpaplano sa pamamaslang kay Batocabe.
Si Judavar, ayon kay Corpus, ang nagpangalan sa lahat ng dawit sa pagpatay, kabilang na sina Naval at Rosello, na kapwa isinuko ang mga motorsiklong ginamit nila sa krimen nang maharang sila ng mga pulis.
Ayon kay Albayalde, ilang oras makaraang maaresto si Naval ay umamin na ito sa mga nalalaman tungkol sa pagpatay kay Batocabe.
Sinibak sa Philippine Army, na dating nagsilbi sa military intelligence unit ng 9th Infantry Division sa Bicol, nagtatrabaho si Naval bilang aide ni Mayor Baldo. Sumuko siya nitong Disyembre 30.
Sinabi ni Judavar sa pulisya na Agosto pa pinlano ang pagpatay kay Batocabe makaraang ideklara ng huli na kakandidato siyang alkalde ng Daraga. Kaagad na isinailalim sa surveillance ang kongresista, aniya.
“According to Naval, Mayor Baldo allegedly offered P5 million for the hit job on Batocabe sometime in September 2018 and paid an initial amount of P250,000 to Tuping (Naval) and his group for the purchase of guns and motorcycles,” ani Albayalde.
“Naval’s team is composed mostly of former military, paramilitary personnel and NPA rebels who are presently employed under fictitious names as confidential staff of the Office of the Mayor,” sabi pa ng PNP Chief.
Si Naval ang bumili ng dalawang motosiklo sa bayan ng Camalig, sa ilalim ng pangalang Abelardo Castillo. Si Muella—dating Technical Sergeant sa 97th Military Intelligence Company ng 9th ID—ang bumili ng dalawang homemade .45 caliber pistol, ayon kay Albayalde.
Batay sa imbestigasyon, si Yuson ang main gunman, habang back-up gunman si Arimado. Sina Rosello at Babor naman ang mga driver ng dalawang motorsiklo na nagsilbing getaway vehicles.
SINO SI MAYOR BALDO?
Si Baldo ay miyembro ng angkan ng mga pulitiko sa Camalig, Albay. Incumbent mayor at vice mayor ng Camalig ang kanyang mga kapatid.
Kumandidato at nanalo si Baldo bilang bise alkalde ng Daraga noong 2016, makaraang magsilbing alkalde sa Camalig.
Mayo 2018 nang itinalaga siyang alkalde ng Daraga makaraang masawi si Mayor Gerry Jaucian dahil sa lung cancer.
Kandidato siya para sa re-election bilang alkalde ng Daraga, at balitang matunog ang pangalan ni Batocabe sa nasabing bayan para maging susunod na alkalde nito.
“Immediately effective today (Thursday), I have ordered the revocation of firearms licenses and PTCFOR (Permit to Carry Frearms Outside Residence) of Mayor Baldo and has recommended the removal of his deputation over the local police of Daraga, Albay,” sabi ni Albayalde.
Aaron B. Recuenco