Inaasahang makalalaya na ang aabot sa 24 na bilanggo ng New Bilibid Prison (NBP) nang pagkalooban sila ng pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inihayag kahapon ni Justice Secretary Menardo Guevarra at sinabing posibleng palalayain na ang mga ito sa susunod na mga araw.
“The executive clemency grant for these 24 PDLs (persons deprived of liberty) is being processed in the Office of the President. They may be released in the next few days,” anito.
Sa ilalim ng batas, partikular na ang Article VII, Section 19 ng Konstitusyon, may kapangyarihan ang pangulo na pagkaloobam ng executive clemency ang sinumang preso.
Nangangahulugan aniya na maaaring magkaloob ang pangulo reprieve, absolute o conditional pardon, kahit sinumang bilanggo na mayroon o walang parole conditions at commutation of sentence.
Matatandaang pinalaya ng Bureau of Corrections (BuCor) ang aabot sa 40 na preso, nitong nakaraang Pasko.
Kabilang sa pinakawalan ay ang 32 na parolees habang ang walong iba pa ay tapos nang maisilbi ang kanilang hatol.
-Jeffrey G. Damicog