KUNG magagandang firecrackers at fireworks (paputok at pailaw) din lang ang pag-uusapan, ang agad na sumasagi sa ating isipan ay ‘yung mga imported mula sa ibang bansa, nungkang pumasok sa ating isipan na ang mga gawang Pinoy na pailaw at paputok ay “world class” na pala dahil hinahangaan ito sa buong mundo, lalo na sa mga bansa na pinanggagalingan ng “superstar” na mga fireworks.

Aakalain ba ninyo na tatalunin ng entry, na pinamagatang “Of Games and Thrones”, ng mga taga-Bocaue, Bulacan ang mga pambatong fireworks manufacturer sa buong mundo sa pinakahuling International Fireworks Competition sa Montreal sa taong ito!

Parang mahirap paniwalaan habang buong pagmamalaki itong ikinukuwento ni Jovenson Ong, pangulo ng Philippine Fireworks Association (PFA), sa mga mamamahayag na dumalo sa pinakahuling news forum para sa taong 2018 ng Balitaan Sa Maynila, na lingguhang ginaganap sa Bean Belt Coffee sa Dapitan street, Sampaloc, Maynila.

Ngunit ‘di lang ako napa-wow, bagkus napasigaw pa sa paghanga nang mapanood ko ang mismong video nang makuha ng Pilipinas ang GOLD bilang “OFFICIALLY the WINNER of 2018 Montreal International Fireworks Competition” – dahil magaling na talaga ang gawang Pinoy na mga paputok at pailaw at maipagmamalaki na ito sa buong mundo!

Ito na rin marahil ang dahilan kaya maging ang mga branded na gawang pailaw sa Bocaue ay pinepeke na – madalas may nakukumpiska ang mga taga-Bureau of Customs (BoC) ng mga smuggled na paputok at pailaw na galing China, pero ang tatak ay gawang Bocaue ang mga ito.

Marami na rin kasing mga banyaga ang bilib sa mga paputok at pailaw na gawang Pinoy kaya dito na rin sila namimili, ang siste – baka mga peke na gawang China ang nabibili nila, ‘wag naman sana, at siguradong masisira nito ang ating industriya na naka-take off na.

Gayunman, sa kabila ng masasabing tagumpay na ito ng mga manggagawa ng pailaw at paputok sa Bocaue, may mangilan-ngilan pa ring pasaway, na gumagawa ng ilegal na paputok na kadalasang nagiging sanhi ng disgrasya at sunog sa mga pasaway din na tumatangkilik sa mga produktong ito.

Mahigpit ang tagubilin ni PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde – ‘wag tangkilikin ang mga ilegal na paputok dahil maaaring manganib ang kanilang buhay at mapahamak o masaktan ang ibang tao.

“To the public, just buy what is allowed in the law. I think the maximum allowable weight of purchased firecracker is three kilos. Beyond that, you will be made to secure a permit coming from PNPFEO so just be careful in transporting firecrackers if you are buying bulk of it,” ani Albayalde.

Ayon sa PNP-Firearms and Explosives Office (FEO), kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok ang piccolo, watusi, giant whistle bomb, giant bawang, large judas’ belt, super lolo/thunder lolo, atomic bomb/atomic bomb triangulo, pillbox, boga, kwiton, goodbye earth/goodbye bading, goodbye philippines, hello columbia, coke-in-can, kabasi, og, at iba pa.

Sa matandang paniwala, ang pagpapaputok ay pantawag ng suwerte para sa pagpasok ng Bagong Taon, ang sa akin lang naman, konting ingat sana baka sa halip na suwerte ang matawag ay kamalasan ang abutin – ang masabugan nang malakas at ilegal na mga paputok at maputulan ng ilang daliri, kundi man ng buong kamay – at sa halip na masayang kasama ang buong pamilya sa bahay ay sa ospital salubungin ang Bagong Taon!

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.