Hindi dapat na ipagwalang-bahala ng publiko ang anumang sugat na makukuha nila dahil sa paputok, maliit man ito o malaki, dahil delikado ito sa tetano.
Babala ni Health Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo, malaki man o maliit ang sugat ay dapat na kaagad itong ikonsulta sa doktor upang mabigyan ng karampatang lunas.
Iginiit ni Domingo na nakamamatay ang tetano at halos walang nakakaligtas dito, kaya hindi ito dapat na binabalewala.
Aniya, ang mga biktima ng tetano ay naninigas at kinukumbulsiyon hanggang sa tuluyan nang bawian ng buhay.
Kasabay nito, tiniyak ni Domingo na lahat ng nabibiktima ng paputok sa 60 sentinel hospitals na imino-monitor ng DoH ay binibigyan ng anti-tetanus.
Sinabi ni Domingo na habang isinusulat ang balitang ito ay nasa 46 na ang kabuuang bilang ng fireworks-related injuries (FWRI) na naitala ng DoH simula 6:00 ng umaga ng Disyembre 21 hanggang 5:59 ng umaga ng Disyembre 30.
Muli namang nagpaalala ang DoH laban sa paggamit ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon ngayong gabi, lalo na ang mga paputok na tinukoy na ilegal dahil sa lubhang mapanganib at mapaminsala ito.
-Mary Ann Santiago