“HINDI totoong ang panahon ay lumilipas. Ang totoo, tao tayong kumukupas.” Ang nabanggit ay isang kasabihang Pilipino na sinasambit tuwing malapit nang magpalit ang taon o sumapit ang Bagong Taon.
Kabuntot nito ang pahayag na, “Napakabilis ng panahon!” kapag nabibilang na ang nalalabing mga araw sa Disyembre.
Sa tradisyong Pilipino, kapag natapos na ang Pasko, marami na sa ating mga kababayan ang nagsisimulang maghanda para sa pagsapit ng Bagong Taon. Ang mga nakatira sa Metro Manila ay sasamantalahin ang tatlo o apat na araw na walang pasok. Magsisiuwi sa kani-kanilang lalawigan upang doon salubungin at ipagdiwang ang Bagong Taon.
Kapansin-pansin naman ang pagdami ng mga nagtitinda ng mga paputok at pailaw. Ang iba nating kababayan, palibhasa’y naniniwala na ang Bagong Taon ay dapat salubungin ng ingay, ay nagpupunta sa Bocaue, Bulacan at doon pumipila para bumili ng mga paputok. May mga pagkakataon na malayo pa ang Bagong Taon, may nasasabugan na ng paputok.
Sa kabila ng nabanggit na pangyayari, ang iba nating mga kababayan ay hindi natatakot. Sige pa rin sa pagbili ng mga paputok kahit matindi ang kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa paputok. Kasabay ang taunan nilang “Oplan Iwas-Paputok”. Ngayong 2018, katulad ng nakalipas na 2017, ang dulo ng mga baril ng mga pulis at sundalo ay hindi na nilalagyan ng tape. Iisa ang layunin nito at ito ay ang hindi makapagpaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Hindi rin tumitigil ang Department of Health (DoH) sa kampanya kontra paputok. Ibinabalita ang bilang ng mga biktima ng paputok, kasabay ang panawagan na magtorotot na lamang o kalampagin ang mga takip ng kaldero o batya sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ang paggamit ng mga paputok at iba pang uri ng pyrotechnics ay nakaugat na sa kultura nating mga Pilipino. Marami pa rin ang pasaway. Kahit na masugatan, maputol ang daliri, malapnos ang mukha, matetano at maging parang tocino at longgonisa ang mga daliri ng kamay. Kapag ganito ang nangyari, ang iba ay saka pa lamang magsisisi at isusumpa ang paputok.
Bukod sa mga nabanggit, ang mga Pilipino ay may iba’t ibang paniniwala at paraan ng pagsalubong sa Bagong Taon. Marami sa ating mga kababayan ang dumadalo sa misa. Pagkatapos, ang mag-anak o pamilya ay masayang magsasalu-salo sa inihandang mga pagkain sa Media Noche.
Sa paniniwala ng maraming Pilipino, ang pagsisimba bago sumapit ang Bagong Taon ay isang magandang paraan ng pagsalubong at mainam na pagkakataon upang magpasalamat sa Diyos. Taglay din sa puso, damdamin at kalooban ang pananalig at pag-asa na magiging mapayapa at masagana ang buhay sa taong lalakbayin.
Sa ibang panig ng Pilipinas, sinasalubong ang Bagong Taon sa pamamagitan ng pagkalampag sa mga sirang batya, takip ng kaldero at kawali sa paniwalang ang Bagong Taon na sinasalubong ng ingay at sigla ay magiging sagana sa biyaya at pag-asa.
-Clemen Bautista