KASABAY ng pakikibahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagdiriwang ng bansa sa National Volunteer Month ngayong Disyembre, binigyan ng pagkilala ng ahensiya ang mga katangi-tanging community volunteers mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na naging instrumento sa implementasyon ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS).
Ang Kalahi-CIDSS ang isa sa pangunahing poverty-alleviation program ng pamahalaan na ipinatutupad ng DWSD, target ang mga barangay at komunidad upang makakuha ang mga ito ng serbisyo sa pamamagitan ng mga community-driven development approaches at pakikilahok para sa mas inklusibong lokal na pagpaplano, pagba-budget at implementasyon.
Kinilala ng DSWD ang 14 na community volunteers na mga kinatawan ng mga rehiyon ng Kalahi-CIDSS Community Volunteers Association of the Philippines. Kabilang sa mga binigyan ng pagkilala para sa kanilang kontribusyon sina Rita Campos, ng Region I; Gentry Tam-awe, ng Cordillera Administrative Region; Ariel Duque, ng Region III; Eulino Usolino, ng CALABARZON; Rey Traballo, ng MIMAROPA; at Elmer Obias, ng Region V.
Pinarangalan din sina Loreto Constantino, Jr., mula Region VI; Julmar Bagwisa, ng Region VII; Atty. Aida Laruda, ng Region VIII; Dorotea Dalagea, ng Region IX; Nievan Llacuna, ng Region X; Royeca Palbe, ng Region XI; Mayvel Aquino, ng Region XII; at si Vicente Gausin, ng CARAGA.
Bawat isa ay nakatanggap ng plaque sa ginanap na DSWD’s Community-Driven Development Festival sa Department’s Central Office.
MAHALAGANG KATUWANG SA PAG-UNLAD
Sa kanyang mensahe, na binasa ni DSWD Assistant Secretary and Kalahi-CIDSS Deputy National Program Director Rhea B. Peñaflor, ipinunto ni DSWD Secretary Rolando Joselito D. Bautista ang walang patid na kontribusyon ng mga community volunteers sa epektibong implementasyon ng poverty-alleviation program ng ahensiya.
“The Filipino practice of mutual cooperation or bayanihan system is already embedded in the innermost of our being as Filipinos. This is more exemplified in the relentless contribution of our community volunteers in almost all facets of services to the poor and needy. Our staff and community volunteers on the ground have been our indispensable partners to the effective implementation of the Kalahi-CIDSS program,” mensahe ng Kalihim.
Pinuri din ni Bautista ang pagsisikap ng mga volunteer na nagbibigay ng kanilang serbisyo sa mahihirap nang walang hinihinging kapalit.
PUSONG TUMUTULONG
Isa si Elmer Obias, community leader mula Region V, sa kinilala ng DSWD, na sinabing ang mga tulad niya ay may “a heart that is always ready to help.”
“Kaming volunteers, kusa naming binibigay ang aming oras at panahon ng walang hinihintay na kapalit,” aniya.
Bilang isang person with disability (PWD), naaalala pa ni Elmer kung paano siya pinagtatawanan at minamaliit ng iba dahil sa kanyang kapansanan. Aniya, marami ang hindi nagtiwala sa kanya dahil sa kanyang kondisyon.
“Pero hindi ko inantala lahat ng pangungutya. Ang nasa puso ko at naming mga volunteers ay makatulong kami sa abot ng aming makakaya sa mga ka-barangay namin at sa maraming tao,” paliwanag niya.
Para naman kay Eugenio Ursolino, isang community volunteer mula CALABARZON, na isa rin sa pinarangalan, ang pagiging isang community volunteer ay kanyang ‘legacy’.
“Legacy namin ang pagiging community volunteers. Mawala man kami sa mundong ito, may maiiwan kaming legacy sa aming kumunidad,” aniya.
Dumalo rin sa pagpaparangal si Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency (PNVSCA) Executive Director Joselito de Vera, na nagpasalamat sa DSWD para sa pagdiriwang ng National Volunteer Month at sa pagkilala sa kontribusyon ng mga community-driven development workers.
Ngayong 2018, mayroon nang 934,339 community volunteers ang DSWD Kalahi-CIDSS sa buong bansa, kasama ng Department’s partner local government officials, na tumulong sa pagsasakatuparan ng kabuuang 4,558 community development initiatives ng mga sub-projects na nakatulong sa 1.5 milyong pamilya sa buong bansa.
-DSWD News