SA kasalukuyang kampanya para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BoC), naging malakas ang panawagan ni Cardinal Orlando Quevedo, dating archbishop ng Cotabato at dating pangulo ng catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), para sa BoL at ang Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) na itatatag ng nasabing batas bilang kapalit ng kasalukuyang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).
Nagpahayag ng suporta si Cardinal Quevado, kasama ni Mayor Ramon Piang ng Upi, Maguindanao at Vice Mayor Roderick Furigay ng Lamitan City, para sa ratipikasyon, bilang tugon sa mga pangamba, na lumalabas sa Facebook, na maaaring maharap sa diskriminasyon ang mga Kristiyano at mga katutubong Lumad sa mga opisyal na Muslim at sa mayorya ng BARMM.
Umapela si Cardinal Quevado sa lahat ng sangkapat sa BARMM na makinig nang mabuti at respetuhin ang isa’t isa—“but most importantly, listen with one’s heart.” Sinabi ni Mayor Piang, pinuno ng tribong Teduray, na naniniwala ang kanyang mga kapwa katutubo at kapatid na Kristiyano sa paniniguro ng Kongreso at Malacañang sa “inclusive governance” ng BARMM.
Nitong Pasko, naglabas ng hindi inaasahang mensaheng Pampasko si Murad Ebrahim, pinuno ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), kung saan binati niya ang mga Kristiyano at nagpaabot ng maligayang pagdiriwang. Sa nakalipas na apat na dekada, aniya, hindi kinilala ng mga Muslim, Kristiyano at Lumad ang pangmatagalan at totoong kapayapaan. “Ako ay umaapela sa inyo na simulan na natin ang rekonsilasyon at gamutin ang masasakit na sugat ng nakaraan,” aniya.
Inaprubahan ng Kongreso, nitong Hulyo, ang Bangsamoro Organic Law o RA 1154 at inaasahang pagbobotohan ng mga mamamayan ng inaasahang bahagi ng rehiyon—ang mga probinsiya ng Maguindanao, Lanao del Sur, Sulu, Basilan, at Tawi-tawi at ang mga lungsod ng Marawi at Lamitan, anim na magkakalapit na bayan sa Lanao del Norte—39 na barangay sa anim na bayan sa North Cotabato, at ang mga lungsod ng Cotabato at Isabela sa Basilan—ang dalawang plebesito sa Enero 21 at Pebrero 5.
Pamamahalaan ng Islamic Shariah Law ang mga relasyon ng pamilya at pamamahala ng mga ari-arian sa BARMM, ngunit ang mga hindi Muslim na nasasakupan ay hindi sakop nito. Sa lahat ng ibang bahagi, susundin ang batas ng Pilipinas katulad kung paano ito ipinatutupad sa ibang mga bahagi ng bansa. Hindi papayagan ng Kongreso at ni Pangulong Duterte ang anumang uri ng kawalan ng katarungan sa BARMM, sinabi nina MILF Vice Chairman Ghazali Jaafar at Mohagher Iqbal.
Sa malakas na pagkakaisa ng mga pinuno ng rehiyon at ng buong bansa, umaasa tayo sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law. At hinahangad din natin ang pagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao na naglalayong itama ang makasaysayang inhustisya sa mga Moro at maglunsad ng isang bagong panahon ng kapayapaan at pagsulong sa bahaging ito ng bansa.