SAMPUNG araw na ang nakalilipas nang patayin si Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe at ang kanyang bodyguard na si SPO1 Orlando Diaz. Katatapos niyang mamahagi ng mga regalo sa mga senior citizen sa malayong nayon ng Burgos sa Daraga, Albay nang maganap ang karumal-dumal na krimen. Ayon sa biyuda ng mambabatas na si Gertie Duran-Batocabe, sinadya na rito sa lugar na ito isagawa ang pagpatay upang mapalabas na mga NPA ang may kagagawan. Inihayag naman ni PNP Chief Oscar Albayalde na posibleng ang nasa likod nito ay gumamit ng bayarang NPA. Kaya, nababahala ang anak ng nasawi na baka maibilang lang ito sa mahabang listahan ng mga hindi nalulutas na krimen. “Lagi nilang sinasabi na may persons of interest. Nababahala ako, pero naniniwala pa rin ako sa sistema ng hustisya,” wika ni Justin Batocabe, sa press conference sa Bicol University Daraga Campus kung saan nakaburol ang kanyang ama.
“Gusto kong buhay ang mga pumatay sa kanya para malaman nila kung gaano sila kinamumuhian ng buong bansa.” Ito ang sagot ng batang Batocabe nang tanungin siya ng mga mamamahayag kung pabor siyang ibalik ang parusang kamatayan para sa mga pumatay sa kanyang ama. Siya rin ang nagsabing nakahandang patawarin ng kanilang pamilya ang sinumang pumatay sa kanyang ama basta ituro lang nito ang nag-utos sa kanya.
Hindi ko alam kung bakit isinasangkot ni Albayalde ang mga NPA sa pagpaslang kay Rep. Batocabe. Kaya, katulad din ako ng kanyang biyuda na nagdududa sa teoryang ito ni PNP Chief. Naitanong nga ng biyuda: “Ano ang mahihita ng NPA kung papatayin nila ang aking asawa? Hindi naman namin sinasalungat ang kanilang prinsipyo.” Eh, bago in-ambush ang mambabatas, ibinahagi niya ang pagpapalang natanggap niya sa Poong Maykapal. Ang inaalala niyang pagbigyan ay ang mga taong nakakaligtaan na ng lipunan. Sa liblib pang lugar niya tinagpo ang mga ito na, ayon sa awtoridad, ay pinamumugaran ng mga rebelde. Kung hindi maganda ang kanyang layunin, bakit pa siya nagtungo rito? Bakit naman siya pinagbalakan ng masama ng mga rebelde?
Ang anak ng mambabatas na si Justin ang nagpapakilala ngayon kung anong uri ang kanyang ama. Wala akong natunghayang insidente na ang kamag-anak ng pinatay ay ayaw sa death penalty. Lahat ay iisa ang gustong mangyari na inuulit lang nila ang remedyo ng mga nakararaming mambabatas sa pagdagsa ng krimen, ang ibalik ang parusang kamatayan. Natatangi si Justin na ang gusto niya ay manatiling buhay ang mga pumatay sa kanyang magulang upang habang buhay nilang pagdusahan ang galit ng buong bansa sa kanila. Hindi ang uri ng mga Batocabe ang kalaban ng mga rebelde. Kung mayroon mang sangkot sa kanila na nangmo-moonlighting bilang private army ng mga pulitiko, wala sa kanilang puso ang diwa ng kanilang ipinaglalaban.
-Ric Valmonte