SINGAPORE -- Tinalo ni young chess phenom Jasper Concepcion Faeldonia si 8th seed Zeen Hunn Lim (1381) ng Singapore sa seventh at penultimate round para makalapit sa titulo nitong Linggo sa 35th Singapore’s National Age Group Chess Championships sa Kallang Theatre (matatagpuan sa Singapore Sports Hub) dito.
Ang 14-anyos na si Faeldonia, Grade 8 student ng Arellano University at nasa pangangasiwa ni National Master Rudy Ibanez at suportado ni Odiongan, Romblon Mayor Trina Firmalo Fabic, ay nanaig kay Lim sa 36 moves ng London System Opening para maipagpatuloy ang kanyang pananalasa.
Ang Philippine Age Group Under-14 champion Faeldonia ay nakaungos sa malaking blander ng karibal. Sa sumunod na tagpo, naisakripisyo nito ang piyesang kabayo para makuha ng Pinoy ang momentum tungo sa panalo.
Nitong Sabado, nanaig din si Faeldonia kontra kina second seed Candidate Master Cyrus Nisban (Elo 1944) ng Singapore sa fifth round at pagbasura kay 11th seed Yu Xuan Ashton Lim (Elo 1104) ng Singapore sa sixth round.
Si Faeldonia, No.4 seed dito, ay may hawak na Elo rating 1693, ay nagtala ng panalo kontra kina 12th seed Kang Le Clifford Oh (Elo 1075) ng Singapore sa first round at third seed Sher Hern Leong (Elo 1826) ng Singapore sa third round.
Tabla naman siya kina 13th seed Veer Sethi (Elo 1018) ng India sa second round at top seed Sean Christian Goh (Elo 2069) ng Singapore sa fourth round.
Patungo sa final round Linggo ng gabi, tangan ni Faeldonia ang six points mula sa five wins at two draws sa Boys Under-14.
Sa Boys Under-10, nakabalik sa kontensiyon si PH chess wizard Jayson Jacobo Tiburcio matapos padapain si Zhan Xun Seth Cheong ng Singapore. Mayroon na siyang five points mula sa five wins at two loses.
Lumalaban din si Arcege Tan Castillo, isang Pinoy na nakabase sa Singapore sa pagtala ng 4.5 points.
Si Arena Grandmaster at Fide Master elect Robert Suelo Jr. ang tumutulong sa chess preparation nina Faeldonia at Tiburcio na kaagapay sina Filipino at US chess master Almario Marlon Bernardino Jr., Jimson Bitoon at Christopher Diaz.