Isang ligtas, malinis, at makakalikasang pagsalubong sa Bagong Taon ang panawagan ng environmental watchgroup na EcoWaste Coalition sa mga Pinoy.
Ayon kay Aileen Lucero, national coordinator ng grupo, mas mainam na maipagdiwang nang simple, hindi magastos, pero masaya ang pagpasok ng 2019.
Inihalimbawa niya ang paggamit ng mga alternatibong pampaingay upang hindi na gumastos sa pagbili ng mga paputok, at maging ligtas pa mula sa disgrasyang dala nito.
Dagdag pa ni Lucero, sa pamamagitan ng hindi pagpapaputok ay mababawasan ang usok mula sa pulbura, na nakasasama hindi lang sa kalikasan kundi maging sa kalusugan.
“I-celebrate ito (New Year) nang masaya, simple, hindi magastos at sama-sama ‘yung buong pamilya, na hindi nasusugatan o nagkakaroon ng disgrasya,” sinabi ni Lucero sa panayam ng Radyo Veritas. “Para sa environment, sana magbigay din tayo ng share, at sana ito ‘yung share natin. Salubungin natin [ang Bagong Taon] na malinis ‘yung hangin, ang ating kapaligiran, at ligtas ang lahat.”
-Mary Ann Santiago