BUKAS ay 2019 na. Paalam 2018. Kung baga sa buhay, ang 2019 ay isang bagong silang na sanggol samantalang ang 2018 ay isang lolo na puno ng karanasan, ng tuwa at lungkot, at ngayon ay patungo na sa takipsilim ng paglimot.

Ngayong 2019, ilang investment banks ang naniniwalang ang piso ay muling lalakas kontra dolyar sa susunod na dalawang taon. Isa sa dahilan ay ang pagkapawi ng inflation na hihikayat sa mga dayuhang pamumuhunan na makatutulong sa paglakas ng piso.

Kung paniniwalaan ang ANZ Research hinggil sa Asia economic outlook nito, ang piso ay magiging P52 sa bawat $1 sa 2019 at posibleng maging P50.80 sa P1 sa 2020 kumpara sa tinatayang pagbagsak ng piso sa P53 kontra isang dolyar ngayong taon (2018). Umaasa ang mga Pinoy na hindi na sana bumaba pa ang halaga ng piso sa 2019.

oOo

Nabayaran ng pambansang gobyerno ang P29.18 bilyong utang nito noong Oktubre, kabilang ang interest payments at amortization, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr). Batay sa pinakahuling datos ng BTr, bumaba ang bayaring utang ng pambansang gobyerno ng 14 porsiyento o P29.18 bilyon nitong Oktubre. Ang kabuuang utang ng gobyerno ay P642 bilyon mula Enero hanggang Oktubre.

Tulad ng mga isyu tungkol sa hazing na ipinagbabawal na nagbubunga ng brutal na pagkamatay ng mga kasapi ng fraternities, ang isyu hinggil sa bullying ay pabalik-balik, paulit-ulit na nangyayari sa mga paaralan at iba pang aspeto ng buhay kahit ito ay ipinagbabawal. Ang pinakahuli ay ang pambu-bully ng isang 14-anyos na mag-aaral ng Ateneo de Manila (ADMU) sa kanyang kapwa estudyante. Sinaktan niya ang kapwa estudyante dahil marunong siya ng taekwondo. Pinatalsik na siya ng pangasiwaan ng Ateneo. Sana ay magsilbing aral ito sa lahat at iwasan ang bullying sapagkat wala itong mabuting ibubunga.

oOo

May utang palang P3.9 bilyon ang gobyerno sa mga retiradong miyembro ng nabuwag na Integrated National Police (INP) bilang pensiyon. Dahil dito, iniutos ng Court of Appeals sa gobyerno na bayaran ang pensiyon ng INP retirees. Malaking tulong ang halagang ito sa matatanda nang miyembro ng INP na noong martial law ay kasama ng Philippine Constabulary bilang PC-INP. Ang puno noon ay si ex-Pres. Fidel V. Ramos.

oOo

Salungat ang Philippine Ecumenical Peace Platform (PEPP) sa utos ni PRRD sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na pulbusin o patayin ang mga rebeldeng NPA sa bansa. Ayon sa PFPP, bilang mga lider ng simbahan sa Pilipinas, nangangamba sila sa kautusang ito at sa pagtaas ng karahasan at paglabag sa karapatang pantao. Dapat daw ay tinugon ng Pangulo ang unilateral truce ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa halip na magmatigas.

Para naman kay CPP founder Jose Ma. Sison, founder ng kilusan na nagdiwang ng ika-50 anibersaryo nito noong Disyembre 26, si PDu30 ang numero unong recruiter ng mga NPA o rebelde dahil sa kanyang mga maling patakaran at pangangasiwa.

-Bert de Guzman