SA liturgical calendar ng Simbahang Katoliko, ginugunita kahapon, ika-28 ng Disyembre, ang Ninos Inocentes o ang mga walay na sanggol sa Bethlehem na iniutos ni Haring Herodes na patayin. Si Herodes ang Hari ng Judea nang isilang si Kristo sa Bethlehem. Naganap ang pagpatay o massacre sa mga sanggol matapos na si Kristo ay isilang ng Mahal na Birheng Maria kasama si San Jose.
Ang pagpatay sa mga sanggol, na nasa edad dalawa pababa, ay masasabing isang walang katulad na kalupitan. Sa ating makabagong panahon ay tinatawag na madugong massacre. Ang ginawa ni Herodes ay isang asal-hayop at mala-demonyong gawain. Sa ating makabagong panahon, kung ihahambing si Herodes ay isang tusong pulitiko at pinunong mapaniil. Baliw sa paggamit ng kanyang kapangyarihan.
Magkahalong lungkot at lugod ang nasabing kapistahan ng mga sanggol sa Bethlehem, na mga biktima ng unang pag-uusig. At sa Simbahan, ispirituwal na tagumpay ito ng mga batang saksi ni Kristo na pinagpapatay dahil sa takot at pangamba ni Herodes na mawalan siya ng poder o kapangyarihan. At masapawan matapos mabalitaan na isang Bagong Hari ang isinilang.
Ang pagwawala ni Haring Herodes ay bunga ng ‘di pagtupad sa pangako ng Tatlong Mago/Marunong na magbabalik at magbabalita sa kanya tungkol sa Banal na Sanggol na kanilang dadalawin at bibigyan ng regalo at sasambahin. Si Herodes ay may balak din na mag-alay ng regalo at sumamba.
Kung susuriin, si Haring Herodes ay walang hangad na sambahin ang Banal na Sanggol. Bilang lider siya ng Judea noon, nakaramdam siya ng “insecurity” sa Sanggol na isinilang. Natakot siyang masapawan sa kanyang kaharian ng nabalitang Hari ng mga Hudyo. Si Haring Herodes ay parang isang tusong pulitiko na nangakong maglilingkod sa bayan, ngunit ang ginawa’y magpayaman at magsamantala sa kapangyarihan.
Isinumpa ng kasaysayan ang walang katulad na masasacre at kalupitan na ginawa ni Haring Herodes sa mga sanggol sa Bethlehem. Siya ay nagkasakit. Inuod ang buong katawan at namatay na isinumpa ng mga ina ng mga sanggol na kanyang ipinapatay.
Bagamat mahigit 2,000 taon nang nakalilipas, ang asal at ugali ni Haring Herodes ay maraming naging tagapagmana o nagmana. Ang mga biktima ng makabagong Herodes na ito’y mga batang babae at lalaking ibinubulid sa prostitusyon, pang-aalipin, white slavery, pinagpapalimos sa mga lansangan at mga driver ng mga sasakyan sa mga lansangan. At ang iba’y ibinebenta sa mga dayuhan na mga manyakis. Sa mga mahilig sa nakapikit pang kabirhinan ng mga babae.
At higit sa lahat, ang mga batang namamatay sapagkat biktima sila ng malnutrisyon na resulta kung minsan ng kapalkan at kabugukan ng ahensiya ng gobyernong dapat mangalaga sa kanilang kapakanan.
Marami sa ating mga kababayan ang nagtatanong. Kailan naman kaya magkakasakit at magkakauod ang buong katawan ng mga makabagong Herodes sa ating bayan, sa pamahalaan at iba pang sektor ng lipunan? Sabi naman ng iba, galis-aso at kurikong ang lumitaw sa kanilang katawan.
-Clemen Bautista