“NAWALAN na ng pagkakaugnay ang CPP (Communist Party of the Philippines) at nabubuhay na lang ito sa propaganda,” wika ni Army’s 2nd Infrantry Division Commander Major General Rhoderick Parayno. Aniya, iyong mga nakakaintindi ng kanilang kalagayan at kanilang ipinaglalaban ay sumusuko na. Hindi lang nawala ang kanilang 50 taon, kundi sinayang pa nila. Sa luzon, ayon kay Parayno,
64 na rebelde ang sumuko sa Calabarzon. Ayon naman sa militar, 1,120 regular na NPA fighters at 9,577 miyembro ng “militia ng bayan” sa buong kapuluan ang sumuko sa puwersa ng gobyerno mula Enero 1 - Nobyembre 28 ng taong ito.
“Eh mga bata nila ang mga ito at kaalyado. Pinagkakitaan lamang nila ang ginagawang ito ng militar,” sabi ni CPP founder Joma Sison. Kung totoo ang bintang na ito ni Sison, propaganda warfare din ang ginagawa ng militar. Pero, ang nakakaintindi ng kanilang kalagayan at dahilan kung bakit sila lumalaban ay mahirap paniwalaan na ang mga ito ang nagsisuko, katulad ng tinuran ni Parayno. Ang mga ito ang matatag at matapang at mahirap matinag o matakot. Hindi ang mga ito ang nakukuha sa suhol. Hihinto lamang sila sa pakikipaglaban kapag maluwalhati nang naganap ang kanilang layunin. Maaaring iba ang kanilang paniniwala at layunin kaysa atin, pero ito ang nagbibigkis sa kanila kaya mahirap silang matibag. Bakit tumagal ng 50 taon ang CPP kung ang mga miyembro nito ay hindi tumatagal sa labanan? Hindi bago iyong ipinahayag ni Parayno na pagsuko ng mga rebelde. Noon pa man ay ito na ang ipinangangalandakan ng militar sa hangarin nilang maliitin ang kakayahan ng CPP na lumaban sa gobyerno.
Ipagpalagay natin na totoo ang sinasabi ng militar na marami na sa mga rebelde at sympathizer nila ang nagsisuko, nakapagpapahina o nakawawasak ba ito sa kanilang grupo? May sariling lakas ang mga rebelde na mahirap maigupo. Humuhugot kasi sila ng kanilang sariling lakas sa sistema ng paggogobyerno. Ang sistema na matagal nang namalaging umiiral sa bansa ay nagluluwal ng kahirapan, kagutuman, kalupitan at kawalan ng katarungan. Ginagawa nitong gubat ang lipunan na sinasamantala ng mga malakas at makapangyarihan ang kahinaan ng kanilang kapwa. Wala namang pagbabago sa buhay ng sambayanan para sabihin ni Parayno na wala nang halaga ang CPP.
Sa panahon ngayon, patuloy na umiiral ang kahirapan. Halos hindi na maitawid ng mga dukha ang kanilang buhay sa dumarating na bukas dahil hindi na nila maabot ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Nakadagdag pa ang labis na kaapihan at kawalan ng katarungan. Walang paggalang sa kanilang mga karapatan. Ang patuloy at walang habas na pagpapairal ng war on drugs ng Pangulo ay kumitil na ng marami. Halos lahat ng napatay ay mga dukha sa iisang dahilan na nanlaban sila. Pero, ang nagdulot ng dahilan kung bakit sila pinatay ay hindi natitinag sa kanilang puwesto sa gobyerno. Ang mga ito ang nagpasok ng mga ilegal na droga sa bansa. Mismong sa pantalan at paliparan pinadaan ang mga ito.
Kaya, kahit hindi mag-recruit ang CPP, kusa itong lalakas. Ito kasi ang takbuhan ng mga taong inaapi at naghahanap ng katarungan na hindi nila mahanap sa gobyerno, kundi sa pamamagitan ng dulo ng baril.
-Ric Valmonte