CEBU CITY – Sinibak na ni Cebu Archbishop Jose Palma sa puwesto si Fr. Decoroso Olmilla bilang kura-paroko sa isang simbahan sa nasabing lalawigan kasunod na rin ng paninipa nito sa isang dalagita sa loob ng kumbento sa Mandaue City, Cebu, kamakailan.
“I felt sad when I heard about the incident. I am apologizing to the family of the girl and to the community if this caused some sadness and shock,” sabi ni Palma nang kapanayamin ng mga mamahayag, kamakalawa ng gabi.
Agad namang itinalaga ni Palma si Msgr. Danilo Sanico, ang vicar general ng Archdiocese, bilang kapalit ni Olmilla sa Nativity of Mary Church sa Canduman ng nasabing lungsod.
Bumuo na rin ng fact-finding team si Palma na magsasagawa ng imbestigasyon sa insidente.
Nag-ugat ang insidente nang sipain umano ni Olmilla ang isang 13-anyos na babaing anak ng kanyang kusinero, nang hindi nito mapakain ang kanyang aso, nitong Miyerkules ng hapon.
Nasa kustodiya na ngayon ng mnga awtoridad si Olmilla na nahaharap sa kasong kriminal.
-Calvin D. Cordova