SA isang baybaying barangay, 35 kilometro ang layo sa Zamboanga, maaaring masaksihan ang isang likhang-sining na sumibol sa rehiyon dantaon na ang nakalipas—ang paggawa ng bangka.

Ang pagawaan ng bangka sa barangay na ito ay isa lamang sa maraming pagawaan na makikita sa mahabang baybayin ng siyudad.

Bago pa dumating ang mga mananakop, gumagawa na ang mga naninirahan dito ng magagandang yari ng bangka na gawa sa kahoy na ginagamit sa pangingisda, kalakalan at ritwal.

Ayon sa mga alamat, ang unang maharlikang datu ng bansa ay naglakbay mula sa Indonesia upang itatag ang sinaunang Islam at sultanato sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Night Owl

Marupok ang demokrasya—ngunit nasa mamamayan ang tunay na lakas nito

Isang sultan na Tausug ang naglakbay gamit ang bangka ilang maraming siglo na ang nakalilipas—sa isang parao o mahabang balanghai upang bumisita sa emperador ng kaharian sa China.

Ang Tausug ay nangangahulugang “people of the current” sa Ingles. Habang ang Badjao ay tinatawag na “sea nomads” na naninirahan sa mga bangkang bahay.

Matatagpuan ang Sangali boatyard sa Sitio Malasugat, malapit sa isang malaking look kung saan din makikita ang Zamboanga Fishing Port Complex at isang pagawaan ng mga barko, ang varadero.

Sa pagawaan ng bangka ilang araw bago ang Pasko, minamadaling tapusin ni Embass Abdurasid isang shipwright at ng kanyang alalay ang isang “tempel”, na isang uri ng mabilis na bangka na yari sa kahoy.

May habang 48 talampakan ang bangka, 11 talampakang lalim at limang talampakang lawak.

Gawa sa makapal na lauan ang balangkas ng bangka na pinagdidikit sa pormang V. Habang ang katawan nito ay tatlong pulgadang waterproof marine plywood.

Matapos niyang buuin, ipapasa niya ito sa isa pang contractor para sa pagpipintura at sa isa pa para sa pagkakabit ng makina at iba pang kailangan sa paglalayag.

Ayon kay Embass, inaabot ng tatlong buwan bago matapos ang konstruksiyon ng bangka na pag-aari ng isang negosyanteng tausug gamit para sa pagsasakay ng pasahero at mga kargamento sa pagitan ng Jolo at kalapit na isla sa Sulu.

Dagdag pa niya, mas gustong gamitin sa bahaging ito ng bansa ang mga bangkang kahoy kumpara sa bangka na gawa sa fibreglass na mabilis umanong pumutok kapag tag-araw.

Bukod sa tempel, ilan pang uri ng bangkang yari sa kahoy ang kumpit, junkung at lepa-lepa.

Malaki ang kumpit na kayang magkarga ng tone-toneladang kargamento katulad ng mga ipinupuslit na bigas galing Malaysia.

Ang jungkung naman ay mas malaki sa tempel ngunit mas maliit sa kumpit, na gamit sa pagsakay ng mga pasahero o mga kargamento sa malapit lang ang destinasyon.

Habang ang lepa-lepa naman ay bulog ang ilalim na kasingsukat ng tempel, isang bangka na mula sa Tawi-tawi at popular sa mga Samas.

Samantala, bukod sa mga nabanggit na bangka makikita rin sa rehiyon ang mga uri ng bangka na katulad ng basnig, kulibo, buggoh, at ang kilalang vinta.

Ang basing ay isang makipot na bangka na ginagamit sa pangingisda. Ang kulibo ay isang maliit na bangkang pangisda na may maiksing batangan. Ang buggoh ay isang uri ng bangka na ginagamitan ng sagwan upang gumalaw at tinatawag na pumpboat kung may motor ito. At ang vinta naman ay isang panglakbay na bangka na kilala sa bahaging ito ng bansa.

PNA