ANG award-winning filmmaker na si Joel Lamangan ang itinanghal na Best Festival Director sa 44th Metro Manila Film Festival (MMFF) Gabi ng Parangal para sa pelikula niyang Rainbow’s Sunset ng Heaven’s Best Entertainment, ng magkapatid na Harlene at Hero Bautista.

Direk Joel (Litrato mula sa Cinema Bravo)

Bukod sa coveted Best Festival Director, nakuha rin ng pelikula ang karangalan bilang Best Picture at nanalo pa ito ng ibang awards sa iba’t ibang kategorya.

Sa kabuuan, nag-uwi ng 11 awards ang Rainbow’s Sunset, na pinagbibidahan nina Eddie Garcia, Tony Mabesa, at Gloria Romero.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Sa kanyang acceptance speech, hindi napigilan ng beteranong direktor ang maglabas ng hinaing sa pamunuan ng MMFF at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na nangangasiwa ng taunang film fest.

Sa unang bahagi ng kanyang maikling acceptance speech, nagpasalamat ang direktor sa bumubuo ng cast, staff at crew ng pelikula.

“Sa bumubuo ng MMFF, maraming salamat sa pagkilalang ito. Salamat sa Heaven’s Best, kay Harlene Bautista. Salamat sa lahat ng tumulong upang mabuo ang pelikulang ito. Salamat sa lahat ng aking mga napakahuhusay na artista, ako’y napakapalad na ako’y nagkaroon ng mga mahuhusay na artista sa pelikulang ito,” simula ng veteran film, stage and TV director.

Nagpatuloy si Direk Joel sa kanyang speech sa pagtanggap niya ng karangalan bilang Best Festival Director.

“Masarap tanggapin ito pero may konting sakit din. Sakit dahil masakit na sa harapan mo, unti-unting tinatanggal ang sinehan ng pelikula mo.

“Pero isang panalangin at isang pakiusap. Sana sa mga susunod na panahon, kung ano ‘yung napag-usapang numero ng mga sinehan na pagpapalabasan ay respetuhin ninyo. Huwag nating ipagkait sa mga manonood ang kanilang karapatang makanood ng pelikula. Huwag lang nating isipin ang komersiyo.

“Ang pelikula ay isang sining, at ang sining ay kaluluwa ng tao, kaluluwa ng bayan. Huwag lang nating patabain ang bulsa ng lahat ng may mga may-ari ng sinehan, patabain natin ang kaluluwa ng ating bayan, ng mga Pilipino.

“‘Yun lang po, isang panalangin na sana po ay mapakinggan. Maraming, maraming salamat po!” pagtatapos ng palabang direktor.

Inaasahang papalo sa box-office ang Rainbow’s Sunset ngayong tapos na ang Gabi ng Parangal ng MMFF, dahil umani ito ng acting at technical awards mula sa mga respetadong hurado ng film fest, na kinabibilangan nina Christopher de Leon, Gina Alajar, Joanna Ampil (last year’s MMFF Best Festival Actress for Ang Larawan The Musical), at maraming iba pa.

Ang Rainbow’s Sunset ay mula sa panulat ni Eric Ramos at kabilang din sa stellar cast sina Tirso Cruz, III, Aiko Melendez, Sunshine Dizon, Shido Roxas, Ross Pesigan, Zeke Sarmenta, Nella Marie Dizon, Noel Comia, Jr., Adrian Cabido, at maraming iba pa.

-LITO T. MAÑAGO