HINDI nakarating si Dennis Trillo sa nakaraang 2018 Metro Manila Film Festival (MMFF) Gabi ng Parangal sa The Theater at Solaire nitong Huwebes, dahil may sakit siya at ang manager niyang si Popoy Caritativo ang tumanggap ng kanyang Best Actor trophy para sa pelikulang One Great Love, produced ng Regal Films.
Ipinost ni Dennis sa Instagram ang Best Actor trophy niya at nagbalik tanaw siya na 14 years ago at baguhan pa lang siya noon sa larangan ng pelikula nang manalo siya bilang Best Supporting Actor para sa Aishite Imasu 1941 sa 2004 MMFF, handog din ng Regal Films. Sa nasabing pelikula ay nakitaan na ng husay ang aktor, dahil gumanap siya bilang transvestite.
“Labing-apat na taon mula noong ako’y unang nakatanggap ng ganitong parangal, para sa pelikulang Aishite Imasu 1941 directed by Joel Lamangan, na siya ring pinakauna kong pelikulang nagawa sa buong buhay ko. Salamat po, Mother Lily (Monteverde) sa pagtitiwala noon pa man, hindi hindi ko po ‘yun makakalimutan.
“Taos-puso din ang aking pasasalamat kay Miss Kim Chiu, JC deVera, Marlo Mortel at Miles Ocampo, lahat ay magagaling at seryoso sa trabaho. Mapalad at proud akong nakagawa ng proyekto kasama kayo.
“Malaking bagay din ang tulong at paggabay ng aming director na si Direk Eric Quizon. Salamat sa pagbigay ng kumpiyansa sa akin upang magampanan ko nang maayos ang role ni Ian.
“Ang lahat ng ito ay hindi ko magagawa kung hindi sa tulong ng lahat ng mga mahal ko sa buhay. Salamat sa inyong pag-aalaga at pagmamahal sa ‘kin, lalo na kay @mercadojenny (Jennylyn Mercado). Sana po ay mapanood n’yo ang #onegreatlove. Merry Christmas and Happy New Year po sa inyong lahat.”
Akalain mo, Regal ang unang nagbigay kay Dennis ng acting award at mukhang ang nasabing movie outfit din ang huling nagbigay sa kanya bago siya lumagay sa tahimik?
Bukod sa 2004 MMFF ay nanalo rin si Dennis sa 2005 FAMAS (Best Supporting Actor); 2005 Gawad Pasado (Best Actor); 2005 PMPC Star Awards for Movies (Best Actor at Best New Movie Actor); 2005 ENPRESS (Best Supporting Actor); 2005 Gawad Tanglaw (Best Supporting Actor); 2005 Young Critics Circle (Best Supporting Actor) at 2005 Gawad Urian (Best Supporting Actor) para sa unang pelikula niyang Aishite Imasu 1941.
Bukod dito, nanalo rin si Dennis na Best Supporting Actor para sa Mano Po 6: A Mothers Love (2010), mula ulit sa Regal Films.
Kung hindi kami nagkakamali ay may 18 trophies na lahat ang nakolekta ni Dennis, bukod pa sa 38 nominations.
Kaya hinding-hindi talaga makakalimutan ni Dennis ang Regal Films, dahil ito lang ang movie outfit na nagbigay sa kanya ng maraming karangalan.
Congratulations, Dennis Trillo and good luck sa mga susunod na projects.
-Reggee Bonoan