INIHAYAG ng China ang panibagong pagtapyas sa taripa ng kalakalan nitong Disyembre 24, na nagbababa ng buwis sa mga angkat para sa mga higit 700 produkto simula Enero 1, 2019. Bahagi ito ng pangako ni Pangulong Xi Jinping sa ika-40 anibersaryo ng “Reform and Opening Up” China nitong Disyembre 18.
Ang mga bagong pagbawas sa taripa ay isang magandang pagbabago sa harap ng nagaganap na trade war sa pagitan ng China at Estados Unidos. Ang kanilang palitan ng pagpapataw ng taripa sa mga produkto ng isa’t isa ay nakaapekto na rin sa maraming bansa na nagluluwas ng mga produkto sa kanila.
Ngunit tila determinado ang China na paigtingin ang pandaigdigang kalakalan nito, sa patuloy nitong pagtapyas sa taripa—na ikatlong beses na mula ng ianunsiyo ni Pangulong Xi ang pagbabawas ng taripa upang mabawasan din ang gastos ng mga consumer sa China habang binubuksan nito ang ekonomiya nito sa ibang mga bansa.
Ang Ministry of Trade ng China ang naghayag ng pagbaba ng taripa sa mga produktong higit 700 ang bilang. Ang ilang materyales para sa pharmaceutical manufacturing gayundin para sa mga livestock feed sa agrikultra ay mawawalan na ngayon ng taripa. Ang mga buwis para sa mga high-tech na angkat ay itatakda sa “relatively low.” Maging ang ilang iniluluwas ng US ay makatatanggap din ng benepisyo sa pagtatapyas, bagamat karamihan sa mga produkto nito ay sakop pa rin ng ganting taripa hanggat hindi nagkaroon ng isang kasunduan.
Makikinabang ang Pilipinas sa bagong yugto ng pagbubukas ng China ng ekonomiya nito. Makaraan ang pagbisita ni Pangulong Xi sa Maynila nitong nakaraang Nobyembre, sinabi niya sa pakikipagpulong kay Pangulong Duterte na: “We charted the future course of China-Philippines relations and drew an ambitious blueprint for its development. The President and I agreed to elevate our relationship into one of the comprehensive strategic cooperation.”
Sa idinaos na China National Expo noong Nobyembre sa Shanghai, nakapagbenta ang mga kumpanya ng Pilipinas ng $124 milyong halaga ng produkto at serbisyo, dalawang beses na mas malaki sa target ng Department of Trade and Industry. Ang kalakalan ng Pilipinas sa China, kabilang ang Hong Kong, ay umaabot na ngayon ng 29.1 porsiyento, kumpara sa 15.1% sa US. Ngunit ang kabuuang puwang sa kalakalan ay dehado pa rin para sa Pilipinas lalo’t mas marami tayong inaangkat kumpara sa iniluluwas.
Kailangang bumuti o umunlad ang produksiyon at pagluluwas ng Pilipinas habang mas maraming pagkain at prutas ang inaangkat ng China para sa lumalagong middle-class consumer nito sa merkado, at habang nagbibigay ito ng tulong sa ating proyektong “Build, Build, Build”, partikular sa irigasyon at transportasyon. Nagbukas ang China ng isang consular service sa Davao at ngayong buwan inilunsad ang biyaheng Davao-Quanzhou, na inaasahang tutugon sa pagdating ng mga turista at pagluluwas ng mga prutas mula sa Mindanao.
Sa panahong maraming pag-aalinlangan sa ugnayan para sa pandaigdigang kalakalan, na dulot na rin ng US-China trade war, ikinalulugod natin ang bagong hakbang ng China na buksan ang merkado nito at palakasin ang ugnayang-pang-ekonomiya sa ibang mga bansa, partikular sa atin, sa pagsisimula ng bagong taon.