MAAARING gawing guide ng moviegoers ang mga mini-review ni Ogie Diaz sa mga pelikulang kalahok sa 2018 Metro Manila Film Festival.Nagpadala kami ng mensahe sa kanya, ipinagpaalam na ilalabas namin ang mga ito sa BALITA, pero mukhang tulog at puyat pa sa kapapanood kaya hindi sumasagot.

Ogie

Bahala siya, kung ayaw niya, eh, di burahin niya ang nakaimprenta sa lahat ng kopya ng BALITA ngayong araw, ha-ha-ha!Naririto ang rebyu ni Ogie sa MMFF entries na napanood na niya:“Alam mo ang kuwento, pero mas pumokus sa entertainment at pagpapatawa. ‘Yan ang Fantastica.

‘Di naman nakakainip. Muntik lang, dahil me mga eksena namang havey, kaya ngingitian mo din naman. Karamihang tumatawa, mga bagets. Kasi nga, andun din ang mga paborito nilang love team. Pero halata mong pagod at puso ang ibinigay dito ni Jose Marie Borja Viceral.At ang importante, hindi ako nainip.Sa 10 hearts, give ko ang Fantastica ng SEVEN HEARTS.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Panay naman ang sabi ko sa kasama kong nanood na ang husay ng camera executions, ‘yung editing mahusay din. Para kaming nanonood ng foreign action movie.

Makinis ang texture, malinaw ang latag ng kuwento at nabigyan ng justice ang lahat ng characters (puwera kay Alan Paule). Naiyak ako nang dalawang beses at nangiti sa ilang nakakaaliw na eksena.

‘Yan ang Jack Em Popoy nina Vic Sotto, Maine Mendoza at Coco Martin. Nagpapasalamat ako kasi walang ipinasok na intrusions ng mga produktong bayad, kaya nagandahan ako. Sa 10 hearts, para sa Pulis Credibles, EIGHT AND A HALF HEARTS.

Pinanood ko ang Otlum kahapon bilang suporta kina Ricci Rivero, Jerome Ponce at John Estrada na mga kaibigan ko. Sana kumita pa rin ang pelikulang ito kahit ‘di ako napaangat sa upuan ko. Siguro nag-expect lang ako na maa-achieve ng movie na ito ang goal nilang matakot ako, kaya kasalanan ko din. Sorry na. Bilang first movie, pasado na si Ricci sa kanyang acting. Me mga linya din sa movie na parang hindi naman kailangan. Siguro, ang goal ay patawanin ako, kaso nga, mas nagtaka ako kesa natawa ako. Again, sorry, kasalanan ko ‘to kasi nag-expect nga ako.

Pero watch n’yo rin, baka naman mali ako o mahirap lang akong makaintindi ng kuwento. At the end of the day, magkakaiba naman ang taste natin. Kaya kasalanan ko talaga kasi OA din naman akong mag-expect. Sorry na. So dahil kasalanan ko, sa 10 na puso, bibigyan ko ang Otlum ng, sige, FIVE HEARTS.

‘Yung Rainbow Sunset, nalalagas daw ang bilang ng mga sinehan. Baka puwede n’yo namang panoorin. Ang ganda kaya ng istorya. Pampamilya. Saka ang kabayanihan ng ina sa kanyang asawa at mga anak. Naiyak din ako sa isang eksena.

Niyakap ko si Direk Joel Lamangan after watching it. Sabi ko, wa’ echos, nagandahan ako sa Rainbow Sunset. Binati ko rin ang producer na si Harlene Charmaine, dahil naisip niyang i-produce ito na may tema ng kabaklaan. Sa 10 hearts, ang ibibigay ko sa Rainbow Sunset ay SEVEN AND A HALF HEARTS.

Nag-DM (direct message) ako kay Jericho Rosales para sabihin sa kanyang ang husay niya sa The Girl in the Orange Dress na obviously, si Jessy Mendiola ang hinahabul-habol ng mga paparazzi na naka-orange dress. Juice ko, si Echo, kung ano ‘yung role niya, ‘yun ang naramdaman ko sa kanya! Siya rin ‘yung tipo ng aktor na kahit sino i-partner ay kaya niyang dalhin. Ang husay ng nuances, ng mga mata, ng pag-deliver ng lines, grabe!

Ang husay din ng DOP at ni Direk Jay Abello (nakabawi siya dito mula sa magulo niyang pelikulang Pinay Beauty). Halos iisa lang ang location, pero hindi mo na mapapansin ‘yon sa ganda ng takbo ng kuwento.

Sa rekomendasyon din ni Lucky Manzano, kaya ko pinanood ang pelikula (inilibre kami ng kumare kong si Loi Villarama na wardrobe stylist ng TGITOD, thank you!). Again, hindi nakakainip, bagkus nakakangiti ang maraming eksena. And out of 10 hearts, ang ibibigay ko sa The Girl In The Orange Dress ay EIGHT HEARTS.

Natutuwa ako kay Sophia Atayde sa The Girl in the Orange Dress at kay Arjo Atayde sa Jack Em Popoy. Parehong mahusay ang magkapatid. Balang araw, hindi na lang sila anak ni Jojo Campo Atayde, kundi may sarili na rin silang identity at si Sylvia Sanchez na ang magsasabing, “Anak ko sila.”

Na sasagutin naman siya ng mga tao, “Ah, talaga? Kaya pala mahusay umarte. May pinagmanahan naman pala.”

Lima pa lang ang napapanood at narerebyu ni Ogie, ilalabas din namin ang ilan pang natitira -- kung kukumpletuhin niya ang panonood sa lahat ng entries.

-DINDO M. BALARES