MALIGAYANG Pasko at Masaganang Bagon Taon sa inyong lahat!!!
Kasayahan, pagmamahalan, kapayapaan at pag-asa sa higit na kasiya-siyang buhay ang mensahe ng Pasko at Bagong Taon. Matapos ang ilang buwang pakikipagbuno natin sa ‘inflation’ o pagtaas ng halaga ng mga bayarin, madamdamin ang mensaheng ito.
Pag-asa para sa higit na maunlad na bukas ang pahatid ng panukalang batas nina Albay Rep. Joey Salceda at Sen. Richard Gordon – ang Agricultural Free Patent Reform Act – na pasado na sa bicameral conference committee ng Kongreso at naghihintay na lamang ng lagda ni Pangulong Duterte.
Pinagsanib sa Agricultural Free Patent Reform Act ang HB 8078 ni Salceda at SB 1454 ni Gordon. Layunin nito ang baguhin ang 1936 Commonwealth Public Land Act na nagbabawal sa mga bagong may-ari ng lupa na ipagbili o isanla ito sa loob ng limang taon matapos nilang matanggap ang rehistro, at nagbibigay karapatan sa dating may-ari na bilhin muli ito sa loob ng limang taon.
Maganda marahil ang layunin ng pagbabawal ng lumang batas, ngunit ginagawa naman nitong inutil ang mga sakahing lupa dahil ni hindi maisanla sa bangko para sa kailangang puhunan para paunlarin at gawin itong higit na kapaki-pakinabang. Layunin ng bagong batas na alisin ang naturang pagbabawal upang magamit ang mga lupain para makakuha ng pondong puhunan para sila ay paunlarin at gawing higit na kapaki-pakinabang.
Pinuna ni Salceda na isang kilalang ekonomista na bagama’t likas na agrikultural ang Pilipinas, kakapurit lamang ang ambag ng agrikultura sa taunang ‘Gross Domestic Product’ at pagsulong ng bansa. “Dahil sa hindi magamit ang sakahin para magkaroon ng puhunan, mananatiling nagdarahop at hindi makakaahon sa kahirapan ang mahihirap na magsasakang Pilipino,” dagdag niya.
Sinasalamin ng katotohanang ito ang napakababang antas ng pagtupad ng mga bangko sa Agri-Agra Reform Credit Act of 2009. Sa talaan, tanging 1.05% lamang ng pondong pautang ng mga bangko ang napupunta sa ‘agrarian reform credit.’ Kakapurit na bahagi lamang ito ng 10% pondong itinatalaga para sa naturang layunin, at 12.83% na itinatakdang pondong pautang para sa pagsasaka at agrikultura.
Nananatili ang 1936 Commonwealth Public Land Act bilang batas na batayan kaugnay ng usaping ito. Halos kinakahon nito ang mga 2.5-3 milyon o 25% ng 12 milyong bilang ng mga rehistradong ‘land patents’ sa bansa.
Pabubuhusin ang malaking pondong puhunan para paunlarin ang mga lalawigan kapag nabago at naalis ang mga pagbabawal ng naturang lumang batas. Tutulungan nitong maging negosyanteng magsasaka ang mga magbubukid. Malaking buwis din ang kikitain ng pamahalaan
-Johnny Dayang