“GINAWA nila sa nayon sa bundok para mapalabas nila na ganoon nga, alam ninyo na. Pero, ano ang mahihita ng NPA kung papatayin nila ang aking asawa? Hindi naman namin sinasalungat ang kanilang prinsipyo. Kaya, ang tanong ay: Sino ang makikinabang sa kanyang kamatayan? Simple.”
Ito ang naging reaksyon ni Gertie-Duran Batocabe, ang biyuda ng pinaslang na Partylist Rep. na si Rodel Batocabe ng Ako Bicol. Hindi pa kasi nag-iimbestiga o nag-iimbestiga pa lang ang mga pulis, at ang nangibabaw na teorya agad ni PNP Chief Oscar Albayalde ay NPA ang may kagagawan ng pagpatay. Maganda naman at sinupalpal kaagad ni Gng. Batocabe si Albayalde. Maliligaw na naman ang isyu, at kamukat-mukat mo ay isa na naman sa mga unsolved crimes ang pagpaslang sa mambabatas. Kung NPA kasi ang gumawa ng krimen, sino sa mga ito ang tunay na responsable? Pero ayon sa asawa ni Batocabe, alam na ng lahat kung sino ang pumatay dito maliban na lang sa mga pulis. Mapakangyarihan, aniya, ito. Baka magaya ito sa nangyari kay dating Senador Ninoy Aquino, alam na ng buong sambayanan kung sino ang pumaslang sa kanya maliban sa mga awtoridad.
Upang madakip ang mga salarin, nagbakas-bakas ang mga kapwa mambabatas ni Batocabe ng tig-limang milyong piso na umabot na sa 50 milyong piso bilang pabuya sa sinumang makatutulong para malutas ang karumaldumal na krimen. Sa inisyung pahayag ni Sen. Richard Gordon kinondena niya ang “culture of violence and impunity” na dapat ay matigil na kaagad. “Dapat maipaalaala sa mga pulis at sa taumbayan na tayo ay bansang sumusunod sa rule of law na lumalabas na nakalimutan na ito patunay ng mga pangyayari sa loob ng nakaraang 10 araw,” sabi pa ng senador, “How life has become so cheap sa bansa,” ang nawika naman ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Kung bakit animo’y wala nang halaga ang buhay ng tao ay dahil na rin sa mga mambabatas na ito na nababahala na sa nangyari sa kanilang kapwa mambabatas. Ngayong naabot na ang kanilang hanay ng matagal nang nagaganap mula nang manungkulan si Pangulong Duterte, ngayon lang sila kumikilos at umaangal hinggil sa estado ng kaayusan at katiwasayan sa ating bansa. Dahil sa maginhawa silang namumuhay sa gitna ng halos araw-araw na mga pagpatay, nakalimutan nila na hindi magtatagal ay sila rin ang mabibiktima. Ngayon na ang kapwa nila ay natulad sa mga ginawa at ginagawa sa mga ordinaryong mamamayan, na dapat noon pa ay ipinagtanggol na nila, napuna na nila ang culture of violence at impunity. Eh matagal na itong reklamo ng mamamayan na kaakibat ng war on drugs ng Pangulo. Matagal nang ginawa at ginagawa ang estilo ng pagpatay gaya ng kay Batocabe.
Ngayong napatay ang kanilang kapwa, saka napuna ni Speaker Arroyo na “life has become cheap.” May pagkakaiba ba ang buhay ng mga ordinaryong tao lalo na iyong mga dukhang napatay na at pinapatay pa at ang buhay ni Batocabe? Naging walang kwenta na ba ang buhay nang ang mambabatas na ang pinaslang? Wala bang halaga ang buhay ng mga dukha na marami na ang pinatay? Dapat isaksak sa isipan ng mga tulad nina Arroyo at Gordon na sa lipunang nangingibabaw ang culture of violence and impunity at life becoming cheap, hindi maglalaon ay sila rin ang mabibiktima. Oras lang ang hinihintay.
-Ric Valmonte