NAGBIGAY ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng Ateneo de Manila University (ADMU) na hindi kinukunsinti ang estudyante nilang si “Bully The Kid” na napanood ng buong mundo dahil sa viral nitong video na nambubugbog ng isang kaeskuwela sa loob ng palikuran ng kanilang paaralan, gamit ang talento nito bilang isang premyadong Taekwondo jin.
Kahit medyo may kakuparan ang paggawad ng parusa – pinatalsik ng pamunuan ng ADMU mula sa kanilang paaralan, makaraan ang tatlong kaso ng pangbu-bully si “Bully The Kid”. Agad naman itong tinanggap ng mga netizen na gigil na gigil sa ugaling hoodlum na ipinakita ng high school student.
Naniniwala ako na hindi rito dapat matapos ang isyung ito bagkus dapat na magkaroon ng mas malalim pang imbestigasyon upang malaman kung ano, sino at bakit naging ugali na ni “Bully The Kid”, kasama ang kanyang grupo na binubuo ng mga teenager na mas malalaking bulas kumpara sa kanya na mam-bully ng mga mag-aaral sa ADMU kahit na mas malaki pa sa kanya.
“Ang takot ng mga nabibiktimang teenager ay hindi kay ‘Bully The Kid’ kundi sa mga kasama nitong tipong sanggano sa kanto kung mag-aasta rin kapag magkakasama, parang mga bangag sa droga ang mga estudyanteng ito,” ayon sa kaibigan kong taga-ADMU.
Ako mismo, sa paulit-ulit kong panonood sa nag-viral na video, gusto kong maniwala na may malalim na motibo ang mga salitang itinanong ni “Bully The Kid” – ang “dignidad o bugbog” na makailang beses niya ring binanggit sa harap ng kasama niyang nagbi-video sa ginagawa nilang pambu-bully.
Naniniwala ako na ang video, kahit ano pa man ang piliin ng biktima ng grupo ni “Bully The Kid”, ay gagamiting pang-blackmail sa nabu-bully na mga mag-aaral na teenager ng ADMU, kapalit ng “extortion money” upang ‘di ma-post sa social media at makasira ng puri.
Para sa akin, bago pinatalsik ng ADMU si “Bully The Kid”, dapat ay ipina-drug test muna nila ito, pati na ang mga kasama niya sa palikuran na pinangyarihan nang bugbugan, dahil sa ang salita, galaw, pati ang ikot ng mga mata nila – na malinaw na makikita sa video -- ay kilos ng mga bangag sa ilegal na droga.
Marami rin akong kaibigan na mga martial art practitioner na nakapalitan ng kuru-kuro hinggil sa ginawang ito ni “Bully The Kid” at lahat sila ay sumasang-ayon sa aking hinala, na ang grupo nito ay maaaring sangkot sa extortion ng mga mag-aaral sa ADMU, na ang gamit na pang-blackmail ay ang video na produkto ng mga salitang “dignidad o bugbog” na itinatanong sa kanilang target na i-bully.
Kung hindi ito maiimbestigahan nang husto – dapat magkatuwang ang pamunuan ng ADMU at ang matitinik na imbestigador ng Philippine National Police (PNP) -- siguradong may papalit agad sa iiwanang puwesto ni “Bully The Kid” at tuloy ang pamimerwisyo ng mala-sindikadong grupong ito sa mga high school student sa Ateneo.
Ang martial arts sa kamay ng mga teenager na eksperto rito, ay maihahambing din sa paghawak ng baril, patalim at mga “deadly weapon” ng karaniwang tao. Pakawalan ang mga ito sa lansangan ng walang tamang pagsubaybay ay siguradong magiging perwisyo at problema ng lipunan.
Kaya nga ang paghubog sa kanilang mga tamang pag-uugali at asal ay ‘di nagtatapos sa loob lamang ng Dojo o Gym, bagkus ito ay dapat na patuloy na binabantayan at hinuhubog ng mga magulang sa kanilang mga tahanan.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.