KINILIG ba kayo nang masilayan n’yo ang mga paboritong n’yong artista na nakibahagi sa parada ng Metro Manila Film Festival (MMFF) sa ilang piling lugar, nitong nakaraang Biyernes?

Sa kabila ng pabugsu-bugsong pag-ulan, dumagsa ang mga tagahanga sa daraanan ng makukulay na float ng mga artista.

Bitbit ang payong, tiniis ng mga tagahanga ang matagal na pagtayo upang abangan ang pagdaan ng mga float.

Kung ating iisipin, isang beses lang sa isang taon na makakita tayo ng ganito kaenggrandeng pagtitipon ng mga butuin sa puting tabing.

Ngunit sulit nga ba ang ganitong okasyon na nagpapakilig ng daang libong tagahanga, na nagtitiis sa paghihintay ng mahabang oras para sa mga artista?

Lalong tumagal ang paghihintay ng showbiz fans nang mabalahaw ang walong float sa isang maputik na lugar sa Parañaque. Ilang oras bago naialis ang mga float at umarangkada.

Habang atubili ang mga organizer na maialis ang mga tumirik na float, naipit naman sa matinding trapik ang mga sasakyan hindi lamang sa iba’t ibang ruta na daraanan ng mga artista.

Damay-damay na ang nangyari!

Umabot sa South Luzon Expressway (SLEX), Makati, at Maynila ang matinding trapik.

Halos walang galawan!

Ang matindi rito ay naglaho ang mga traffic constable ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na sana’y magmamando ng trapiko matapos na magbuhul-buhol ang mga sasakyan sa maraming lugar.

Ang nagpalala sa sitwasyon ang pagbuhos na ulan, dahilan upang umabot sa gitna ng kalsada ang mga naghihintay na pasahero.

Natural lamang na lalong bumagal ang daloy ng mga sasakyan dahil nasa gitna na ng kalye ang mga commuter.

Hindi ba’t ang MMDA ang dapat na punong-abala sa pagsasaayos ng traffic?

Sa sitwasyong ito, ang MMDA ang naging puno’t dulo ng pagkakabuhul-buhol ng mga sasakyan dahil ito rin ang organizer ng MMFF.

Nasaan na ang MMDA sa kasagsagan ng traffic noong mga oras na iyon? Nanonood din ba kayo ng parade?

Imbes na matuwa ang mga taga-Metro Manila sa pagsasagawa ng MMFF parade ay puro mura ang naririnig natin sa kanila.

Isinabay pa kasi ang parade sa Christmas rush kaya marami ang nadamay.

Bakit hindi na lang isagawa ang MMFF celebration sa isang malaking lugar, katulad ng Quirino Grandstand, at doon na lang manatili ang mga artista upang hindi makaperwisyo sa traffic?

Pakiusapan na lang silang magsagawa ng ‘meet-and-greet’ session para sa fans.

Hindi ba’t mas maganda ito?

-Aris Ilagan