NANATILING ang pelikula ni Vice Ganda na Fantastica pa rin ang nangunguna sa ikatlong araw ng 2018 Metro Manila Film Festival (MMFF) at base sa paglilibot namin sa mga sinehan, bukod pa sa kuwento ng mga kaanak at kaibigan namin, sold-out na hanggang sa 6th screening time ang pelikula.
Sumusunod siyempre ang Jack em Popoy: The Puliscredibles nina Vic Sotto, Maine Mendoza at Coco Martin, na sold-out din sa magkakahiwalay na screening time.
Nakakatuwa ang mga bata nitong Pasko. Dahil nga araw nila iyon kaya sila ang masusunod kung ano ang gusto nilang panoorin, ang Vice at Coco movies lang, base sa kanilang mga magulang, ang dalawang pelikula na gusto nilang panoorin kaagad kaya ang mga ito ang nangunguna sa takilya.
Nabanggit sa amin na nasa ikatlong puwesto ang Aurora ni Anne Curtis, at pawang kabataan ang mga nakita naming nanood. Una nang sinabi ni Direk Yam Laranas na “barkada movie” ang Aurora.
Naglalaban sa ikaapat na puwesto ang The Girl in the Orange Dress nina Jessy Mendiola at Jericho Rosales; at Mary, Marry Me nina Toni Gonzaga-Soriano, Alex Gonzaga at Sam Milby, na magkakarelasyon at karamihan ay babae ang nakita naming lumalabas sa sinehan at mga nakangiti. Ibig sabihin ay nagustuhan nila ang movie, dahil aliw naman talaga ang dalawang pelikula.
Ang One Great Love at Rainbow’s Sunset ay hindi na namin babanggitin kung ano ang ranking nila dahil naniniwala kami na aakyat ang puwesto nila pagkatapos ng MMFF Awards night ngayong gabi na gaganapin sa The Theater Solaire.
Marami rin kaming nakitang nanood ng Otlum.
Anyway, sa mga mananalo ngayong gabi, congratulations at sa mga hindi nanalo, better luck next time.
-REGGEE BONOAN