“HUWAG ninyo silang labanan, puksain ninyo sila. Patayin sila.” Ito ang sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa mga tropa ng sundalo nang dalawin niya ang Army’s 10th Infantry Division na nakabase sa Mawaba, Compostela Valley.
“Patayin ang kaliwa, maging ang bandidong grupo ng Abu Sayyaf. Patayin nang walang awa ang mga drug lords,” sabi pa niya. Kailangan, aniya, na magbago ang taktika ng gobyerno sa pakikipaglaban sa mga lokal na komunista tulad ng 1965-1966 na kampanya na inilunsad ni Suharto ng Indonesia.
Ang tinutukoy ng Pangulo ay ang “New Order” ni Suharto na milyung-milyong tao ang pinatay na mga miyembro ng Communist Party of Indonesia, makakaliwa at ethnic Chinese.
Sinabi ng Pangulo na inaako niya ang responsibilidad ng mga pagpatay. Inuulit niya ang kanyang order sa mga sundalo na magpakamatay sa halip na sila ay madakip.
“Huwag ninyo akong bibigyan ng panoorin sa video na kayo ay umuuwi sa inyong bahay na wala nang buhay. Gumawa tayo ng kasunduan na hindi tayo susuko. Kung pinili natin na tayo ay mandirigma, mamatay tayong mandirigma” dagdag pa ng Pangulo.
Sa kanyang talumpati nitong Martes, pinaplano raw niyang pairalin ang isolation policy sa Mindanao upang ihiwalay ang mga katutubo sa impluwensiya ng NPA. “Ilalagay ko sila sa munting nayon, dahil kapag sila ay hiwa-hiwalay, nanganganib sila. Hindi ko maaasahan na sila ay magiging tapat sa akin kapag sila ay nakakalat dahil natatakot sila kapag sila malayo sa isa’t isa,” wika ng Pangulo.
Hamlet ang plano ng Pangulo para sa mga katutubo. Ito iyong paraan na ilagay sila sa isang lugar na sama-sama sila, tulad ng Strategic Hamlet Program na puwersahang ipinatupad ng Amerika at South Vietnam para mapatahimik ang kanayunan ng South Vietnam at mabawasan ang impluwensiya ng Viet Cong sa mamamayan noong panahon ng Vietnam war noong 1950-1960. Hinamlet ng mga Kano at kaalyadong South Vietnamese ang taumbayan sa kanayunan sa mga protektadong komundiad para sila ihiwalay sa Viet Cong.
Ngayon pa lang, mahirap paniwalaan na magtatagumpay ang Pangulo sa kanyang mga programa at pinaplano. Pagpatay ang kanyang mensahe sa araw na ito ng Pasko.
Hindi ko alam kung makabubuti ang kanyang gagawin sa mga katutubo. Kasi, hindi niya sinasabi na ang hamlet para sa kanila ay itatayo niya sa kanilang ancestral land o sa ibang lugar para alisin sila rito. Kung ang planong ito ay nakaugnay sa kanyang planong ibigay sa mga investors at negosyante ang ancestral land ng mga katutubo, hindi matatahimik ang Mindanao. Dadagsa lang ang mga komunsitang rebelde, Abu Sayyaf at iba pang grupo na makakalaban ng mga sundalo.
Kawalan na ng katarungan ito. Paglabag sa karapatan ng mga katutubo sa kalayaan at ari-arian.
Bukod dito, magagaya na naman ang kanyang mga plano sa kanyang war on drugs. Blanket authority na pumatay ng mga komunista at Abu Sayyaf ang ibinigay niya sa mga sundalo. Paulit-ulit lang na mangyayari ang nangyari sa pitong taong aani lang ng prutas ay pinatay ng mga sundalo sa kanilang kampo. Kasi, napakaluwag para sa mga sundalo ang pumatay dahil sila lang ang magpapasya kung ang isang tao ay komunista o Abu Sayyaf.
-Ric Valmonte