NGAYON ay araw ng Pasko. Ang pinakamasayang araw sa buhay ng sangkatauhan, sapagkat ginugunita at ipinagdiriwang ng mga Kristiyano ang pagsilang ng Anak ng Diyos. Ang pangakong alay na tutubos sa sala ng sangkatauhan. Naganap ang Kanyang pagsilang sa isang sabsaban sa Bethlehem. Nakita ng mga pastol ng tupa ang Banal na Sanggol at narinig ang awit ng mga anghel sa langit.
Sa kabila ng iba’t ibang pangyayari sa iniibig nating Pilipinas at ibang bansa, ang pagsapit ng Pasko ay kagabi pa inihudyat ng matunog at masayang kalembang ng mga kampana sa mga simbahan sa iba’t ibang parokya, at ng masayang pag-awit ng choir ng “Gloria in Excelsis Deo” o Papuri/Luwalhati sa Diyos, sa idinaos na Misa de Aguinaldo.
May mga simbahan na ang Misa de Aguinaldo ay sinimulan ng 8:00 ng gabi. Ang ibang simbahan naman ay sinimulan ang Misa de Aguinaldo nang 10:00 ng gabi. Ang Misa de Aguinaldo ay dinagsa at dinaluhan ng mga parishioner, sa iba’t ibang parokya sa mga lalawigan at lungsod. Puno ng mananampalataya ang mga simbahan at kapilya. Ang mga walang maupuan ay nakinig ng Misa de Aguinaldo nang nakatayo hanggang sa matapos ang nasabing misa.
Sa parokya ni Saint Clement sa Angono, Rizal, naging tampok ang “pagpapalakad” o paghila sa dalawang malaking estrelya patungo sa tapat ng altar ng simbahan, na pinagdarausan ng misa at sa tapat ng Belen na ‘di kalayuan sa altar ng simbahan.
Ang tradisyong ito sa Angono sa gabi ng bisperas ng Pasko ay tinatawag na “Lakad-Parol”. Ang “paglakad” o paghila sa dalawang malaking estrelya kasunod ang 16 na parol na may iba’t ibang kulay at may ilaw sa loob ay nagsisimula sa may itaas ng pinto ng simbahan. Bukod sa dalawang malaking estrelya, isang malaking estrelya rin ang nakasabit sa tapat ng altar na pinagmimisahan ng pari.
Matapos ang Misa de Aguinaldo, naging tanawin naman sa mga tahanan ang pagsasalu-salo ng mga mag-anak o pamilya sa inihandang Noche Buena. Ang masaganang handa ay nangibabaw sa mesa ng mayayaman, at ng mga kababayan natin na nakahilata sa kayamanan. Sa hapag naman ng mahihirap, busabos at mga anak ng dalita, ay makikita pa rin ang anino ng kahirapan.
Kung sa mesa ng mayayaman ay nakahain ang hamon, keso de bola, adobong manok, pabo, litson, mga prutas at red wine, sa hapag ng mahihirap ay pinagsasaluhan sa Noche Buena ang nilutong spaghetti. May nagsalo naman sa biniling magkayapos na suman sa lihiya. Ang iba’y suman sa buli. Sawsawan ay segunda mano o pulang asukal. Sa may kaunting pera, bumili at nagluto ng tsokolate. Doon pinalangoy ang suman sa buli at suman sa lihiya kahit anemic sa gatas.
Kaugnay ng pagsapit ng Pasko at tradisyong Pilipino, tanawin ngayong umaga sa mga bayan sa mga lalawigan ang langkay ng mga batang babae at lalaki. Matapos magsimba ay pupunta na sila sa kanilang mga ninang, ninong at iba pang kamag-anak. Hahalik sa kamay o magmamano at hihingi ng kanilang mga aguinaldo o papasko. Sila’y binibigyan ng mga crispy bills o malulutong na perang papel na P20, P50 at P100. May nakatatanggap naman mga bata ng bagong coin na P1, P5 at P10. May ngiti sa labi na isinisilid sa bulsa ng pantalon ng mga batang lalaki. Ang mga batang babae ay inilalagay sa kanilang maliit na bag ang perang napamaskuhan. Pagdating sa bahay, ipakikita sa kanilang ina ang mga perang napamaskuhan. Pinapanood ang kanilang nanay sa pagbilang ng perang natanggap na papasko.
Ang mga Pilipino ay may iba’t ibang paraan ng pagdiriwang ng Pasko. Nalalantad ang Christian values ng iba nating kababayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng aguinaldo sa mahihirap, mga kapuspalad at sa mga kababayan natin na talagang mga anak ng dalita. Nakikita rin ang kabaitan at pagkamatulungin. Nasa puso ito ng mga taong nagmamahal, nagdudulot at naghahatid ng kaligayahan at galak sa pagsapit ng pagdiriwang ng kaarawan ng Dakilang Mananakop.
-Clemen Bautista