Sa kulungan sasalubungin ng isang binata ang Pasko at Bagong Taon, matapos siyang arestuhin dahil umano sa pagwawala at paghahamon away, dala ng labis na kalasingan, sa Valenzuela City, nitong Linggo ng gabi.

Nakapiit ngayon sa Valenzuela City Police detention cell si Louie Villa, 23, ng Barangay Mapulang Lupa, Valenzuela.

Kuwento ni Mary Ann Marasigan, 47, kapitbahay ng suspek, nakarinig siya ng ingay sa labas ng bahay, dakong 10:45 ng gabi.

“Sumilip po ako sa bintana at nakita ko si Louie na may hawak na itak at naghahamon ng away. Nakainom, eh,” sabi ni Marasigan.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Dahil kilala, sinaway ng ginang ang binata at sinabing magpahinga na ito, ngunit nagalit umano si Villa at sinabihan si Marasigan: “Huwag mo akong pakialaman! Gusto mo gilitin ko ang leeg mo?! Pakialamera ka, bumaba ka d’yan at papatayin kita!”

Sa takot ni Marasigan, humingi siya ng tulong sa Police Community Precinct (PCP)-8, na kaagad na nagresponde at inaresto si Villar.

Narekober umano sa suspek ang isang 18-pulgada ang haba na itak.

Kinasuhan na si Villa ng alarm and scandal at illegal possession of deadly weapon.

-Orly L. Barcala