PANIQUI, Tarlac – Patay ang isang magsasaka matapos na pagbabarilin ng isang 50-anyos na lalaki dahil umano sa dating alitan sa Barangay Sta. Ines, Paniqui, Tarlac, Linggo ng gabi.
Sa ulat ng Paniqui Police, ang biktima ay nakilalang si George Antolin, 52, may asawa, ng nasabing lugar, na binawian ng buhay sa Rayos Valentin Hospital dahil sa tatlong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Arestado naman si Montano Ganola, alyas “Mr. Suave”, ng Bgy. Acocolao ng nabanggit na bayan, ilang minuto matapos ang krimen.
Nakatayo lang ang biktima sa harapan ng kanyang bahay nang biglang paulanan ng bala ng suspek.
Ayon sa mga awtoridad, dati nang nagkaroon ng alitan sa pagitan ng suspek at biktima, na posible umanong pinag-ugatan ng pamamaslang.
-Leandro Alborote