TULAD ng dati, nais kong batiin ng “Maligayang Pasko at Masaganang Bagong Taon” ang lahat, lalo na ang aking mga kababayan. Sana ay maging maligaya tayo. Sana ay maging masagana tayo. Ang Pasko ay para kay Kristo, pagmamahalan, at pagkakasundo. Ang Pasko ay hindi para kay Santa Claus at mga regalo. Matamo sana natin ang kapayapaan.
oOo
Hindi nagpadaig si Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) kay ex-Ilocos Sur Luis “Chavit” Singson (LCS) na masolo si 2018 Miss Universe Catriona Gray na hinangaan ng buong mundo dahil sa kagandahan, katalinuhan at adbokasiya na tumulong sa mahihirap na bata sa bansa, tulad ng mga nakatira sa Tondo, Maynila. Papaano naman Mr. President, eh private plane ni Chavit ang sinakyan ni Catriona?
Nag-courtesy call si beautiful Cat kay PRRD sa Kalayaan Hall ng Villamor Airbase, Pasay City noong Biyernes bago siya lumipad patungong New York upang tuparin ang mga tungkulin at responsibilidad bilang Binibini ng Mundo. Si Mano Digong naman ay umuwi sa Davao City na kanyang comfort zone para doon ipagdiwang ang Pasko sa piling ng kanyang mga pamilya.
Sa pagkikita at pag-uusap ng dalawa, na ayon sa ilang mapagbirong netizen ay maituturing na “The Beauty and The Beast”, este The Best, wala silang tinalakay na pulitika, isyu ng marijuana na para kay Miss Catriona ay pabor siyang isabatas o gamitin bilang gamot o medical marijuana.
‘Di ba minsan ay inamin ng ating Pangulo na gumamit siya ng marijuana bilang gamot sa sakit na nararamdaman? Pero nang punahin ito ng mga tao, agad lumukso si Presidental Spokesman Salvador Panelo at sinabing nagbibiro lang si PDu30. Joke, joke only! ‘Di na kayo nasanay sa kanyang pagbibiro.
Anyway, marami ang naniniwala na walang masama sakaling gamitin ang marijuana plant bilang gamot o solusyon sa pagpapakalma ng matinding sakit sanhi ng karamdaman. Sabi nga ni Miss Cat, okay ito sa kanya bilang gamot ngunit hindi para sa bisyo.
Nagsasagawa ngayon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para mag-initiate ng pag-aaral hinggil sa medical marijuana dahil sa ilang “misinformation” tungkol dito. Sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na pangungunahan ng ahensiya ang paggamit ng marijuana para sa layuning medikal. Ayon sa kanya, kailangan ang pag-aaral sa gitna ng mga usapan para ito ay gawing legal o naaayon sa batas.
oOo
Nananatili ang paninindigan ng United States sa security commitment nito sa Pilipinas sa ilalim ng 1951 Mutual Defense Treaty kahit may ilang pinuno ng bansa na gusto itong repasuhin dahil sa “vague wording” o may kalabuan hinggil sa US guarantee ng military support sakaling salakayin ng dayuhang bansa ang ‘Pinas.
Tanong ng taumbayan: “Eh, sino ba ang dayuhang bansa na posibleng sumalakay sa minamahal na bayan nina Rizal, Bonifacio, Del Pilar, Mabini at ng kolumnistang ito?”
-Bert de Guzman