NGAYON, mayroon nang pansamatalang matutuluyan ang inabusong kababaihan at mga bata sa Bayambang, Pangasinan sa pagbubukas ng Abong na Aro (House of Love), kamakailan.
Ang Abong na Aro ay isang proyekto ng Local Council of Women (LCW), na pinamumunuan ni Mary Clare Judith Phyllis “Niña” Jose-Quiambao, asawa ng alkalde ng bayan na si Mayor Cesar Quiambao. Nakatakdang mag-umpisa ang operasyon sa unang bahagi ng 2019.
“It is a very important project for me because this was built out of love for the people of the town, where women could come together in times of need. We wanted to give a safe haven but more than that, we wanted to give hope. Hope to get out of an abusive relationship as we give emphasis here on spiritual and mental aspects,” pahayag ni Mrs. Quiambao sa kanyang mensahe na binasa ni Ian Camille Sabanga, pangalawang pangulo ng LCW sa ginanap na inagurasyon.
Sa isang panayam nitong Biyernes, ibinahagi ni Mayor Quiambao na may anim na kuwarto na may palikuran ang itinayong center katabi ng malawak na evacuation center ng Barangay Wawa. Mayroon din itong kusina, silid-dasalan, mat silid-aklatan.
“Magkakaroon ng administrator ito in cooperation with Rural Health Unit 2 (RHU2) which is just nearby. Walking distance ang nurses at doctors. Each room can accommodate two persons hopefully, hindi ito mapuno,” paliwanag pa ng alkalde.
“The evacuation center is not used most of the time (only during flooding), and it has more than enough space. The putting-up of the Abong na Aro here is a joint decision between the local government unit and the barangay,” dagdag pa niya, kasabay ng pagbabahagi na parte ng plano ang magtayo ng isang Stimulation and Therapeutic Activity Center (STAC) sa lugar.
Nagsimula ang proyektong magtayo ng Abong na Aro nang siyasatin ni Mrs. Quiambao at ng LCW ang kalagayan ng inabusong mga kabataan at kababaihan na dinala at inire-report sa kanila.
Nang mapagtanto na walang lugar na mapagdadalhan ng mga biktima bilang pansamantalang tuluyan, nangupahan sila ng isang bahay at ginamit itong kanlungan ng mga biktima ng pang-aabuso.
Upang magkaroon ng permanenteng lugar kung saan maaaring tumuloy ang mga biktima, nakipagtulungan ang LCW sa lokal na pamahalaan ng Bayambang at sa barangay upang buuin ang Abong na Aro sa loob ng evacuation center.
Ayon kay Quiambao, mahigit P1 milyong pondo ang ginugol sa pagtatayo ng Abong na Aro, na mula sa donasyon ng kanyang asawa at ng Kasama Kita sa Barangay Foundation, Inc.
Nakatakda naman ang pagbibigay ng dagdag na pondo para sa mga tulugan at iba pang kailangang gamit sa center.
Plano naman ni Mrs. Quiambao na magtayo ng Home for the Aged sa bayan sa susunod na taon.
PNA