Sa selda magpa-Pasko ang isang Angkas driver makaraang mahulihan ng umano’y ilegal na droga sa checkpoint sa Makati City, kahapon ng madaling araw.

Naghihimas ng rehas sa Makati City Police si Alfredo Almario, Jr. y Dulce, 35, ng No. 4843 Solchuaga Street, Barangay Singkamas sa nasabing lungsod.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), nagpapatupad ng checkpoint operation ang mga tauhan ng Makati Police nang sitahin ang suspek sa hindi pagsusuot ng helmet habang nagmamaneho ng motorsiklo sa panulukan ng Pasong Tirad St., at Kalayaan Avenue, Bgy. Tejeros sa Makati City, dakong 3:40 ng madaling araw.

Tinangka pang umiwas ng suspek at humarurot kaya hinabol siya nina PO1 Bautista at PO2 Palacay at siya ay nasakote at nakumpiskahan ng isang selyadong pakete ng umano’y shabu at drug paraphernalia.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Idiniretso si Almario sa tanggapan ng Station Drugs Enforcement Unit (SDEU) at patuloy na iniimbestigahan.

Isasailalim ang suspek sa inquest proceedings para sa kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).

-Bella Gamotea