SA pocket interview kay Marco Gumabao para sa pelikulang Aurora na ginanap sa Viva Office sa Scout Madrinian, Quezon City, nabanggit ng aktor na hindi siya nagsisisi sa pag-alis sa poder ng Star Magic para lumipat sa Viva Artist Agency, sa pamumuno ni Ms Veronique del Rosario-Corpus.
Limang taong tumagal si Marco sa talent management ng ABS-CBN kaya tinanong siya kung mas nakaganda ba na nasa Viva na siya ngayon, dahil sunud-sunod halos ang pelikula niya. Bago ang Aurora ay naunang ipinalabas ang Para sa Broken Hearted, at sa 2019 ay kasama rin siya sa Ulan nina Nadine Lustre at Xian Lim, na idinirek ni Irene Villamor.
“Well, if you can say that, yes, siguro. It was a good career decision. Ako naman, I owe a lot to Star Magic because antagal ko rin sa kanila, do’n ako nagsimula. Naka-form ako ng family with them. When I told them parang I think I wanna do more, naiintindihan din naman nila.”
Aware rin siya kung bakit hindi siya nabigyan ng projects sa Star Magic.
“Siyempre, you can’t blame them naman din kasi marami rin naman kasing nasa Star Magic. So, minsan you can’t blame them kung ‘di ka nila nasasama sa bagong shows. So, I said, siguro it’s best if I transfer management na makaka-push sa akin.”
Pero hindi itinanggi ni Marco na kabado siya bago lisanin ang Star Magic.
“Sabi ng handler ko before sa Star Magic, ‘Bakit ka pa aalis, you’re inside the network na?’ Pero sinabi ko, five years na akong nasa Star Magic at that time and may nangyari naman, pero it’s not the pace we wanted. So, sabi ko, ‘I have to try new things. I have to try a new management siguro.’
“And thankful ako kina Mr. M, sina Miss Mariol, naiintindihan naman nila yung sentiments ko. Walang bad blood naman. It was all good,”paliwanag ng binata.
At talagang walang bad blood dahil sa kasalukuyan ay kasama si Marco sa teleseryeng Los Bastardos, na pawang positibo ang feedback ng manonood kaya naman may tsikang aabutin pa ng Hunyo 2019 ang nasabing seryeng pinagbibidahan din nina Jake Cuenca, Joshua Colet at Albie Casino mula sa RSB unit.
Anyway, excited si Marco sa pagsakay sa Aurora float ngayong Linggo dahil unang beses niyang makakasama sa 2018 Metro Manila Film Fest at kasama pa si Anne Curtis. Ang pelikula ay mula sa Aliud Entertainment at Viva Films na idinirek ni Yam Laranas.
-REGGEE BONOAN