NANG nadakip ng mga pulis ang mag-asawang nagtutulak ng droga sa sa isang subdivision, sinabi ni Philippine National Police Director General Oscar Albayalde na wala silang pinipili sa kanilang pagpapairal ng war on drugs ng Pangulo. Ang kanila raw nasakote ay big fish na matagal na nilang minamanmanan. Nahulihan nila ang mga suspek ng milyong pisong halaga ng shabu na nasamsam sa bahay ng mga ito.

Kung dati, ang mga nadakip at napatay ay may bitbit lamang na isa o ilang sachet ng shabu na kung ilang piso lang ang street value, ngayon, bulto-blulto na at nagkakahalaga pa ng milyun-milyong piso. Nang hingian ng paliwanag hinggil dito si Philippine Drug Enforcement Agency Director Aaron Aquino, nang makapanayam sa isang programa sa telebisyon, sinabi niya na ang lumabas na bilyun-bilyong pisong shabu sa Bureau of Customs (BoC) ay kumalat na. Tinukoy niya ang 11 bilyong pisong shabu na naipuslit sa BoC sa pamamagitan ng tatlong improvised magnetic lifter na nahanap nila sa General Mariano Alvarez, Cavite. Kaya lang, nang abutan nila ang mga magnetic lifter ay wala nang laman. Batay sa ebidensiyang nakalap nila, mabilis na nahakot ang mga shabu. Ayon kay Aquino, may mga nakumpiska silang shabu sa Cebu na sa kanilang masusing pag-aaral, ay galing mga nasabing magnetic lifter.

Dahil sa mga pumasok na shabu sa ating bansa, na pinagkakitaan ng bilyung-bilyong piso ng mga sakim at ganid, bukod sa naaaresto at napipiit, marami na rin ang napatay. Iyong ipinagmalaking big fish ni Albayalde na nahuli nila na nagtutulak ng droga ay wala namang pagkakaiba sa mga nahuli nilang ordinaryong mamamayan na nagtutulak din at gumagamit na napatay. Pare-pareho silang mga biktima ng mga makapangyarihang tao na nagpasok ng shabu sa ating bansa gamit an gating mga pantalan.

Sa ulat na lumabas kamakailan, 5,500 katao na ang napatay sa pagpapatupad ng war on drugs ni Pangulong Duterte. Hindi kabilang dito ang marami na ring biktima ng extra-judicial killings dahil itinanggi ng PNP na may kinalaman ang mga pulis dito. Patuloy pa rin ang pagpatay at walang araw na lumilipas na walang napapatay ang mga pulis ng mga taong sangkot sa droga.

oOo

Sa kabilang dako, nag-aaway-away ang mga honorable nating lider kung paano nila pakikinabangan ang salapi ng sambayanan. Tahimik ang karamihan sa mga kongresista dahil ayon kay Majority Floor Leader Rolando Andaya, iniutos ni Speaker Gloria Arroyo na paglaanan sila tig-60 milyong pisong halaga sa budget para sa mga proyekto. Ang problema, may mga kongresista na mas malaki ang bahagi sa 3.8 trilyong budget. Nang ihayag ni Sen. Ping Lacson na ang may pinakamalaking pork barrel ay si Speaker Arroyo at Andaya na may halagang 2.4 bilyong piso at 1.9 bilyong piso bawat isa, sinabi ni Andaya na sina dating Speaker Pantaleon Alvarez, dating Kong. Karl Nograles na ngayon ay Cabinet Secretary at si dating Majority Floor Leader Rudy Farinas ang higit na may malaking pork barrel. Sinabi pa ni Andaya na ang hindi nagastos na salapi sa panahon ni Pangulong Digong ay isiningit sa budget ni Department of Budget Secretary Benjamin Diokno bilang pork barrel ng ehekutibo. Ang 75 bilyong pisong ito ay nakorner na ng CT-Construction Trading, nang hindi pa man naaaprubahan ang budget. Ayon naman kay Diokno, kaya siya pinag-iinitan ng liderato ng Kamara ay dahil ayaw niyang ipagamit ang road users tax na umabot na sa 45 bilyong piso para gawing pork barrel.

Pinadudugo nang lubusan ng mga lider ang samabayanan sa droga at kurapsyon. Pinapatay na sila, ay pinaghahatian pa ang salapi ng taumbayan na dapat sana ay nagagamit para iahon sila sa kahirapan.

-Ric Valmonte