Naglabas na ang pamunuan ng Light Rail Transit (LRT)-Line 1 ng schedule ng biyahe ng mga tren nito ngayong holiday season.
Batay sa abiso ng LRT-1, nabatid na sa Disyembre 24-28 ay mananatiling 4:30 ng umaga ang simula ng biyahe ng mga tren patungong Baclaran at Roosevelt stations, pero binago ang oras ng huling biyahe nito sa nasabing panahon.Sa Disyembre 24, bisperas ng Pasko, hanggang 8:00 ng gabi lang ang last trip patungong Baclaran at Roosevelt, habang sa Pasko, Disyembre 25, ay 9:45 ng gabi ang huling biyahe patungong Baclaran, at 9:35 ng gabi ang huling tren patungong Roosevelt.
Sa Disyembre 26-28, normal ang schedule ng last trip ng LRT-1 na 10:15 ng gabi patungong Baclaran at 10:00 ng gabi patungong Roosevelt stations.
Sa Disyembre 29 hanggang Enero 2, 2019, normal din ang oras ng alis ng unang biyahe ng tren ng LRT-1 ngunit babaguhin muli ang huling biyahe.
Sa Disyembre 29 at 30, at Enero 1 at 2, 9:45 ng gabi ang huling biyahe patungong Baclaran habang 9:30 ng gabi naman ang last trip patungong Roosevelt.
Mas maaga naman ang huling biyahe ng tren sa Disyembre 31, bisperas ng Bagong Taon, na 7:00 ng gabi patungong Roosevelt at Baclaran.
Balik sa normal ang biyahe ng mga tren pagsapit ng Enero 3, 2019.
-Mary Ann Santiago