ANG misteryosong isyu ng bilyun-bilyong piso na nadiskubre ng Kamara matapos ang ilang linggong pagsuyod sa panukalang pambansang budget para sa 2019, ay tila nagpapahiwatig ng malinaw na bakas tungo sa kung saan ito nagmula.
Tinatawag ng kasalukuyang House Majority Leader na si Rolando Andaya Jr. ang naturang kabugukan bilang “mga milagro”. Kasama rito ang pag-apruba ng mga pampamahalaang proyekto pabor sa CT Leoncio Construction and Trading, isang kumpanyang pag-aari ng iisang tao, at hindi ng korporasyon.
Pinuna ni Andaya na nangyari ang pag-apruba sa mga proyekto sa panahon ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez at ang “nanalong” kontratista ng mga ito ay hindi naman “Triple A” ang kategorya. Ang higit na iskandalo ay wala namang totoong naganap na ‘bidding’ dahil wala pang aprubadong budget.
Sa nakaraan, nasangkot din si Alvarez sa ilang kaguluhan dahil sa paghirang niya ng 124 ‘consultants’, bukod sa mga empleyado ng Kamara at iba pang mga alaga niya. May naging isyu din kaugnay sa umano’y walang habas na paglustay ng bilyun-bilyong pisong pondo na tanging ang House speaker lamang ang mayroong diskresyon.
Sa gitna ng naungkat na mga iskandalo, tila atubili si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na imbitahan sa isang public hearing si Alvarez upang ipaliwanag ang naungkat na mga katiwalian. Hindi na nga daw ito dumadalo sa mga session ng Kamara mula nang mapatalsik.
Maaaring hindi madali para kay Speaker Arroyo ang paimbestigahan si Alvarez dahil Transportation and Communications secretary niya ito noong siya ang Pangulo. Gayunman, hindi dapat isantabi ang mga kabugukang naganap na minana kay Alvarez dahil sa pampulitikang dahilan o dating pagkakaibigan sapagkat interes ng publiko ang nakataya rito.
Nakakatawang isipin na sa mga ‘public hearings’ ipinakikilala ng mga mambabatas ang sarili nila bilang tagapagtanggol ng publiko laban sa katiwalian. Ngunit kapag isa sa kanila ang nasasangkot sa katiwalian, wala silang nagkakaisang kilos para gisahin ang suspek upang magpaliwanag man lamang.
Bahagi ng ‘silent majority’ si Alvarez ngayon, ngunit nananatiling tungkulin ng mga mambabatas na himukin ang mga nakurap at nabiktima ng nakaraang abusadong pangasiwaan na ibulgar ang mga anomalyang naganap noong sakal ang Kamara.
Waring malinaw na publiko, dahil sa mga naipahayag na sa diyaryo, telebisyon at radyo, na ang bakas ng mga anomalyang naungkat ay nagmula sa pangasiwaang Alvarez. Dail dito, obligasyon ngayon ni Speaker Arroyo na simulan ang pagsisiyasat para lumabas ang katotohanan na magiging pamana naman niya upang buuin ang integridad ng Kamara.
Maligayang Pasko sa lahat.
-Johnny Dayang