NATITIYAK ko na walang hindi matutuwa sa matatag na determinasyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagsusulong ng puspusang rehabilitasyon sa Manila Bay. Isipin na lamang na ang naturang look o karagatan na itinuturing ngayong pinakamarumi sa buong bansa ay maibabalik sa dating ganda at linis na lalong magpaparilag sa hinahangaan nating Sunset in Manila Bay.
Ngunit ang malaking katanungan: Maaasahan kaya natin ang ganap na rehabilitasyon sa Manila Bay, tulad ng ginawa ng DENR sa Boracay? Ang naturang island resort – na minsang tinagurian ni Pangulong Duterte bilang isang ‘cesspool’ o mistulang septic tank – ay naibalik sa dati nitong linis at alindog, na tanyag sa buong daigdig. Ang rehabilitasyon sa Boracay ay tumagal lamang ng anim na buwan; totoo na marami pang mga pagbabago na dapat isagawa upang ito ay maging ganap na world class island resort.
Matindi ang aking pag-aalinlangan na matagumpay na maisusulong ng DENR ang tunay na rehabilitasyon sa Manila Bay. Masyadong malawak ang Manila Bay na sumasakop sa tatlong malalaking rehiyon – National Capital Region (NCR), Central Luzon at CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon). Hindi ganoon kadali ang paglilinis sa mga dalampasigan na ang mahabang bahagi ay pinaninirahan ng mga iskuwater na sinasabing pasimuno sa pagtatapon ng mga basura. Sa ilang bahagi ng Pasig River at Laguna de Bay, matatagpuan pa rin ang mga pabrika at iba pang estabilisimiyento na nagbubuga ng bulto-bultong basura na dumadaloy sa Manila Bay.
Hindi maipagtatagumpay ng DENR ang ganap na rehabilitasyon sa Manila Bay na ipinangangalandakan ng naturang ahensiya. Kailangan nito ang pag-agapay ng mga pribadong sektor at ng iba pang tanggapan ng gobyerno, kabilang na ang 13 government agencies, na nauna nang inatasan ng Supreme Court na tumulong sa paglilinis ng Manila Bay. Isang tuluy-tuloy na writ of mandamus ang pinalabas ng SC upang mapanatili ang malinis na tubig sa baybay-dagat. Halos lahat ng kinauukulang sektor ay tumugon sa panawagan ng hukuman. Subalit nakapanlulumo na hanggang ngayon, ang Manila Bay ay mistula pa ring basurahan.
Kung talagang may political will ang administrasyon, marapat na ipatupad nang buong higpit ang environmental laws – at iba pang kautusan – laban sa itinuturing na mga pasimuno ng kasalaulaan na libangan na ang pagpaparumi sa Manila Bay.
-Celo Lagmay