SA bawat taon na lumalakbay, hindi naiiwasan ang pagkakaroon ng ilang sunog sa malalaking lungsod ng bansa, lalo na tuwing panahon ng tag-init. Naglipana ang mga tarpaulin na nagpapaalala hinggil sa pag-iingat dahil nauuso ulit ang sunog.
Pati mga bumbero at kinakauukulan ay nagpupunta na sa mga radyo at lumalabas sa telebisyon para magpaalala sa publiko. Nandiyan ang bawal magsigarilyo habang nakahiga dahil baka makatulog, at baka maging sanhi pa ng sunog. Panay din ang pagpapaalala na huwag iiwanang nakasiga ang mga kandila, mga koneksyon sa kuryente at cell phone na nakalimutang naka-saksak at iba pa.
Nabanggit din ang mga sunog na sadyang sinisimulan sa mga pagkakataong may nakabinbing kaso hinggil sa pribadong lupa kontra sa mga tinaguriang “informal settlers” o sa mas masakit na panukoy, squatters. Hindi na lingid sa kaalaman ng karamihan na may estilo ng pagpapakalat ng sunog sa ganitong mga mala-sardinas na bahayan. Ang buntot ng pusa ay tinatalian ng telang nakasiga, at ang pobreng pusa ay magtatatakbo kung saan-saan dahil nga namemeligro na ito. Sa ganitong paraan napakakalat ang apoy.
Nababanggit ko ang ganitong mga kaganapan dahil nga sa tuwing nagkakaroon ng malaking sunog, maraming pamilya ang nawawalan ng tirahan. Kadalasang dinadala ang mga “squatters” na nawalan ng tahanan sa mga paaralan, simbahan o gymnasium ng barangay bilang pansamantalang silungan. Subalit hindi ito ang tama at pangmatagalang solusyon. Una sa lahat, dapat ay “mag-reblocking” sa mga sitio at maglagay ng bagong daan sa gitna ng mga bahayan upang makapasok ang bumbero, habang ang kalsada ang magsisilbing pamigil sa paglipat at pagtalon ng apoy.
Pagtigil sa mga evacuation center ang pangunahing solusyon sa mga ganitong sakuna at kailangan na marami itong palikuran, tent at matutulungan para matiwasay na makapagpahinga ang mga biktima.
-Erik Espina