TILA solid ang paninindigan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na huwag payagang makabiyahe ang mga libu-libong rider ng Angkas matapos magpalabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema hinggil sa operasyon nito.

Mismong si Transportation Secretary Arthur Tugade na ang naglabas ng kautusan sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na hulihin ang mga Angkas rider na patuloy na magsasakay ng mga commuter.

Maaaring ma-impound o mahatak ang motorsiklo ng rider na magmamatigas laban sa kautusan ni Tugade. Aabot sa 27,000 rider ang nangangambang mawawalan ng hanap-buhay habang ipinatutupad ang kautusan na ito.

Ang resulta: Ang mga walang kalaban-laban na commuter ang naiipit sa sitwasyon, lalo na ngayong Kapaskuhan kung saan dagsaan ang Christmas shoppers na madalas ay naiipit sa lansangan habang bitbit ang mga biniling pangregalo dahil walang ngang masakyan.

Ang tigas naman ng mukha n’yo d’yan sa LTFRB. Palibhasa, pakotse kayo ng gobyerno kaya wala kayong pakialam sa kalbaryo ng mga ordinaryong mamamayan. Sa kabila ng nakalulungkot na sitwasyon ng mga biyahero na madalas ay nai-stranded sa lansangan, sarap-buhay naman kayong nakaupo sa magagarang Sport Utility Vehicle o SUV na kinuha sa kaban ng gobyerno.

Bakit hindi n’yo subukang mag-commute sa rush hour upang malaman natin kung tatagal kayo sa pag-aabang ng masasakyan?

Sana man lang ay ipinagpaliban muna ng LTFRB ang panghuhuli ng Angkas rider hanggang makalipas ang panahon ng Pasko. Wala ba kayong puso?

Samantala, pursigido rin ang liderato ng Angkas na makakuha ng simpatya sa mamamayan. Batid na ng pangasiwaan ng Angkas na malaki ang impluwensiya ng social media sa ating pamumuhay kaya’t todo ang kanilang pag-iingay sa Facebook at Twitter.

Naging kakampi rin ng Angkas ang Change.org, isang international group na nangangalap ng lagda sa mamamayan upang makalipon ng suporta para sa isang adhikain tulad ng paglaban sa karapatan ng mga Angkas rider.

Layunin ng Change.org na makumbinsi ang gobyerno na payagan ang app-based motorcycle taxi na patuloy na makabiyahe bilang pagtugon sa kahilingan ng nakararami.

Ipinipilit ni Tugade ang argumentong malapit sa sakuna ang motorsiklo kaya hindi nito pinapayagan ang Angkas hanggang hindi naisasabatas ang mga panukalang gawing legal ang motorcycle taxi sa bansa.

Ngunit lumilitaw sa datos ng Angkas na nasa 99.997 porsiyento lamang sa mahigit 27,000 rider nito ang nasangkot sa sakuna. Ito’y dahil na rin sa mahigpit nilang proseso sa pagtanggap ng mga aplikante. Kung hindi daraan sa training at seminar, at hindi rin makapapasa sa mga eksaminasyon, laglag ang mga ito.

Gets mo ba ‘yan, Secretary Tugade?

-Aris Ilagan