Parusa ang naghihintay sa mga Angkas bikers na hindi tumatalima sa utos ng Korte Suprema, kapag naaktuhan ito ng mga awtoridad sa patuloy na pamamasada.

Ito ang banta ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade matapos niyang iutos sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na paigtingin ang operasyon ng ahensiya laban sa mga Angkas bikers.

“Arrest all Angkas riders who will violate [the law]. It is not right that Angkas will violate the law and the order from the SC (Supreme Court). That is wrong. When the court issued a temporary restraining order (TRO) against DOTr, we heed. We hope that they will follow too. The rule of law must always prevail,” banta ni Tugade.

Nitong Disyembre 5, naglabas ang Korte Suprema ng TRO laban sa preliminary injunction ng Mandaluyong Regional Trial Court (RTC) na nagpapahintulot sa ahensiya na hulihin ang mga bikers at operator ng motorcycle-hailing company.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema, nanindigan ang Angkas na magpapatuloy ang operasyon nito.

“The DOTr strongly urges Angkas operators and bikers to adhere to the high court’s TRO, in the same manner that government agencies dutifully complied with the previous order by the Mandaluyong RTC, which sustained Angkas operations then,” pahayag ng ahensiya.

Ayon kay Tugade, mahaharap sa multang P6,000, tatlong buwang pagkakumpiska ng motorsiklo, at pagkaka-blacklist sa pagkuha ng prangkisa sa LTFRB ang mga bikers at operator na mahuhuling nagpapatuloy sa pamamasada.

Samantala sa kabila ng banta, legal na tulong ang siniguro ni George Royeca, head of regulatory and public affairs ng Angkas, sa kanilang mga bikers na mahuhuli.

“We will support all of our bikers to the extent of the law. We will give as much assistance as long as it is within the law. Kung ano ang kailangan nating gawin, basta mailigtas ang ating bikers, gagawin natin basta nasa batas. If it is paying fines or anything around that, basta nasa batas tutulungan natin ang mga bikers natin,” aniya.

Usapin ng kaligtasan ang sinasabing dahilan ng LTFRB sa pagharang nito sa operasyon ng Angkas.

Binanggit din ng LTFRB na sa ilalim ng Republic Act No. 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code, hindi maaaring gamitin sa pamamasada o pagsasakay ng mga pasahero ang mga two-wheeled vehicles.

Gayunman, iginiit ni Royeca na “[they are] taking safety very seriously” sa pamamagitan ng mga pagsasanay at seminar sa mga biker.

-Alexandria Dennise San Juan