ANG pagbisita ni Chinese President Xi Jinping noong nakaraang buwan ay napagtuunan ng maraming atensiyon, partikular na mula sa mga kritiko ng administrasyong Duterte. Para sa ilang sektor, ang nasabing pagbisita ay bahagi ng geopolitical tug of war sa pagitan ng Amerika at China. Para naman sa iba, parte ito ng pagsisikap ng Beijing na mahimok ang Maynila na dumistansiya sa matagal na nitong kaalyado, na kalaunan ay magpapatamlay sa presensiya ng Amerika sa Pasipiko.
Para sa akin, ang nasabing makasaysayang pagbisita ay simbolo ng pagpapanumbalik ng pagkakaibigan ng dalawang dating magkaalyado. Gaya ng mahusay na paliwanag ng presidente ng China sa artikulong sinipi ng New York Times: “Our relations have now seen a rainbow after the rain.”
Sa kanyang inihandang arrival statement, sinabi ni Mr. Xi na ang nasabing pagbisita, ang unang pagtungo sa Pilipinas ng isang presidente ng China sa nakalipas na 13 taon, “reopened the door of friendship and cooperation.” Dagdag pa niya, ang pinanumbalik na pagkakaibigan ng dalawang bansa ay magdudulot ng “real benefits” sa mamamayang Chinese at Pilipino, na makatutulong sa “regional peace, stability and prosperity.”
Sinegundahan ni Pangulong Duterte ang kahalagahan ng pagbisitang iyon nang mainit niyang tinanggap si Xi sa bansa: “For the Philippines, this is more than a reciprocal visit. It is a historic occasion.”
Bukod sa makasaysayang aspeto at sa mga implikasyon ng pagbisita sa Pilipinas ng Chinese President sa kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon, naniniwala rin ako na patunay din ito na hinog na sa panahon ang polisiyang panlabas ng Pilipinas. Ang dati nating ugnayang diplomatiko ay pinangimbabawan ng ating “special relations” sa Amerika. Isa itong kumplikadong ugnayan, at patuloy nating inirerespeto ang gobyerno ng Amerika at ang mamamayan nito.
Subalit ano ba ang masama kung magsimula tayo ng mga bagong espesyal na ugnayan sa iba pang mga bansa? Ano ang nakapipigil sa atin sa pagkakaroon ng mas matibay na ugnayan sa iba pang mga bansa? Bakit tayo magpapagamit sa alitan sa palakasan ng kapangyarihan sa rehiyon?
Sinusuportahan ko ang panibagong diplomatikong ugnayan ng administrasyong Duterte sa iba pang mga bansa, dahil ang ating mamamayan, higit sa lahat, ang makikinabang dito. Sa pagpapatibay ng unayan natin sa Japan, China, Russia, at sa mga karatig nating bansa, hindi lamang natin kinakalas ang ating sarili mula sa imahe ng pagiging “little brown brothers” ng mga Amerikano, kundi natututo tayong magsarili at ipinakikilala ang mahalagang papel ng Pilipinas sa pulitika sa Asya.
Nangyari ang pinag-ibayong pagkakaibigan ng Pilipinas at China sa gitna ng tensiyon sa West Philippines Sea. Habang binibigyang-diin ng dalawang bansa sa kanilang pinag-isang pahayag matapos ang pagbisita sa bansa ng presidente ng China: “Contentious issues are not the sum total of China-Philippines bilateral relations and should not exclude mutually beneficial cooperation in other fields.”
Lumagda ang dalawang bansa sa kabuuang 29 na kasunduan sa pagbisita ni Xi, kabilang ang isa na nagpapasaklaw sa sarili nating infrastructure development plan sa Belt and Road Initiative ng China—isang multi-bilyong dolyar na programa na layuning magtatag ng malawak at epektibong trade at infrastructure network sa Asya at Europa.
Isa pang mahalagang kasunduan na nilagdaan ay ang MOU sa pagtutulungan sa oil at gas development sa pagitan ng Pilipinas at China. Gaya ng paglalarawan ni Energy Secretary Alfonso Cusi, ang MOU ay magsisilbing workable arrangement “on how we can enjoy resources in the area.”
Marami pang kasunduan sa imprastruktura na makatutulong sa sarili nating Build, Build, Build initiative. Kabilang dito ang MOU sa pagtutulungan sa pagkumpleto sa mga pangunahing proyektong imprastruktura sa Davao region at ang Davao City Expressway project; ang kasunduan sa implementasyon ng feasibility study para sa Panay-Guimaras-Negros islands bridges project; pagpapalitan ng updates sa proyekto para sa mga bagong tulay at kalsada sa Marawi, sa ayuda ng China; at kontrata para sa project management consultancy ng Philippine National South Longhaul Project North-South Railway Project.
Malinaw na makikinabang sa mga kasunduang ito ang umaalagwang imprastruktura at ekonomiya ng ating bansa.
Dapat lang na bigyang-daan natin ang mga bagong ugnayan, patatagin ang mga dati nang alyansa habang ipinagpapatuloy ang “special relations” sa Amerika. Hindi ito nangangahulugan na tinatalikuran natin ang isang matagal nang kaibigan, kundi simpleng senyales lang na nag-mature na tayo at bukas na ngayon sa pagkakaroon ng mas maraming kaibigan.
-Manny Villar